Sunday, May 24, 2009

diskaril

ngayon ko lamang naranasan ito.

gulong gulo ako sa gusto kong gawin ngayong summer. sa totoo lang ang gusto ko lang naman ay makapagpahinga at magkaroon ng bonding moments kasama ang mga mahal ko sa buhay. i think i deserve a break. i think they deserve bonding moments with me. sabi ko nga sa isang kaibigan, naniningil na ang mga taong pinagkakautangan ko ng oras (kasama si ej diyan, siyempre) dalawang taon akong namuno at kasabay noon ay ang dibdibang pagkayod, pagtuturo. at kapag nagtrabaho ako walang lingon-likod. kayod talaga.

kaya lang, binabagabag ako ng pagtatapos ng MA. kailangan ko na kasi talagang tapusin ito or else ay matatanggal ako sa trabaho. kaya ang nangyari sa aking summer, may pagka-disaster.

alam mo ba yung feeling na naglalakwatsa ka pero kinakabahan ka at nagi-guilty ka dahil marami kang hindi nagagawa? ka-enjoy-enjoy ba iyon?

siyempre, imbes na mag-aral at magresearch ay nagpapahinga lang ako at nagpupunta kung saan-saan. dala ko ang lahat ng libro ko. lagi. saan man ako mapadpad, sa subic, sa bahay ng nanay ko, sa qc. overdue-overdue na nga ang mga libro.

pero anong gagawin ko? hindi ko talaga mapuwersa ang sarili kong buksan ang mga aklat at maglipat ng mga pahina ng libro.

well, nakapagbasa naman ako ng libro. iyong aklat ng mga one-act play ni aling bebang. pero hindi naman kasama iyon sa pananaliksik ko, e.

naiinis ako sa sarili ko. tuwing umaga, sina-psyche up ko ang utak ko na kailangan ko nang magbasa at lumikha ng paper. pero wa epek talaga. ang nangyayari tuloy, naglalakwatsa na lang ako. pero yun sanang masayang paglalakwatsa ay nababahiran ng guilt at kawalan ng sense of achievement or accomplishment.

hinihingan na ako ng kopya ng pinakabagong edition ng aking transcript. at ano naman ang aking maipe-present? wala namang pagbabago sa aking transcript simula nang ako ay mag-apply sa kanila. nagka-subject nga ako ay inc. naman ang grado.

ang sabi ng isip ko, kelangan ko talagang magfull time na estudyante. pero sabi naman ng isa ko pang isip, sayang ang oportunidad sa aking paaralang pinapasukan. magkakaroon na ng sariling departamento ang aming grupo. mas mabibigyang-pansin ang mga manunulat na tulad ko. ayaw ko ba noon? siyempre gusto.

tinanong ko rin ang mga taong malapit sa akin tungkol sa hinaharap ko, sa mga ginagawa ko ngayon at sa personalidad ko. sabi ko, parang ayaw kong magturo. ang tanong, e, bakit tatapusin pa ang MA kung hindi rin naman pala magtuturo? pero ako, gusto ko na talaga matapos ang MA. kasi inumpisahan ko, e. at ako, kapag naumpisahan, tinatapos. ke late matapos basta matapos, tatapusin.

pero bagay daw sa akin ang magturo. totoo. tumataas ang energy ko kapag nakaharap ako sa estudyante. at dama ko namang maraming natututuhan sa akin ang aking mga estudyante.

teka, ano ba ang mga ayaw ko?

1. paghahanda ng exam
2. pagche-check ng quiz at ng exam
3. pagcocompute at pagrerecord ng grades
4. pagpapasa ng grades
5. pag-aalala sa mga pasaway na mga estudyante

at higit sa lahat, marami akong pinapakisamahan. kasi kapag guro ka, marami kang estudyante. marami kang co-faculty. marami kang boss. marami kang superior sa iyo. mas marami ang matanda sa iyo. at marami rin naman ang mas nakakababa sa iyo.

andami talaga. minsan, gusto mo lang ng quiet time, imposible. kasi sa bawat sulok ng paaralan, may babati sa iyo ng kamusta summer mo, may kakausap sa iyo tungkol sa pinakabagong move ng unyon, may magkukuwento sa iyo kung sino ang na-thank you letter, may magwa-warning sa iyo tungkol sa above the knee mong bestida, may magbibigay sa iyo ng memo tungkol sa freshmen recollection, may maniningil sa iyo ng isang regalo at P100 para sa isang dating co-faculty na pormal nang magpapaalam sa lahat, may magbubukas sa iyo ng elevator at may at may at may.

siyempre, ayaw mo namang lumabas na bastos. kaya hihinto ka. makikinig. magsasalita. makikipag-usap. mag-aambag. magpapasalamat at kung ano-ano pa.

yan. yan ang isa sa mga hindi ko gusto. parang lahat ng bagay, kailangang sagutin. parang lahat, kailangang magrespond ka. walang tigil ang mundo. walang tigil ang pakikisama. ganito nga ba talaga ang trabaho?

oo.

kaya no choice nga.

may nagsabi sa aking kahit saan ganon din naman. kahit sa business, pareho lang. makikisama at makikisama ka pa rin.

buong buhay ko na lang kasi nakikisama ako. lagi na lang akong naninimbang. nauumay lang siguro ako ngayon. kaya reklamo ako nang reklamo.

naisip ko, hindi rin naman ako manunulat na manunulat. napakama-chika kong tao kumpara sa iba kong mga kaibigan na manunulat din.

kaya naman gulong gulo ako sa sarili ko. pati nga sa entry na ito, naguguluhan ako. ano na nga ang nangyari sa summer ko?

Saturday, May 23, 2009

aray nako

noong nakaraang mayo 22, 2009, si marie ay nagpakabit ng IUD. matagal na niyang gustong magpakabit nito dahil hirap na hirap na siya sa pills. malilimutin kasi siyang tao. kaya naman buwan-buwan na lang ay matatagpuan iyan sa suking simbahan at nananalangin sa lahat ng santo at santa na padalawin na ang buwanang dalaw. kaya sabi niya, kailangan niya ng method para sa mga malilimutin. at naisip niya ang IUD.

nag-inquire siya sa friendly care clinic sa cubao. P450 daw ang pagpapalagay nito at dagdag ng P100 para sa counseling. hindi puwedeng walang counseling kahit pa ikaw ang nag-imbento ng IUD. kaya P550 talaga lahat-lahat.

ngayon, itong si marie ay nawalan ng panahon na magpa-clinic sa cubao. kasi kailangan niyang pumunta sa malayong lupain na kung tawagin ay subic. sa likod ng tinutuluyan niyang lugar sa subic freeport ay may isang maliit na ospital. dito siya unang nagtanong.

marie: naglalagay po ba kayo ng iud dito?
nurse: hindi. sa malaking ospital lang po. sa hospital setting lang talaga yan, mam.
marie: saan po ba mayroon?
nurse: sa gordon po. diyan sa may labasan.

agad na nagpunta si marie sa james gordon memorial hospital na nasa labas lamang ng subic freeport (kung saan tumutuloy si marie pansamantala) 4:45 iyon nang hapon. pagdating niya doon ay nahanap niya agad ang women's health clinic. ngunit gaya ng inaasahan niya ay sarado ito.

pero hindi siya agad umalis. binasa niya ang sked ng clinic. monday blah blah tuesday blah blah ang pinakanaalala niya ay ang araw ng huwebes. ito ay para sa sexually abused na mga babae. kapag ba naligaw siya sa clinic na iyon sa araw ng huwebes ay mapagkakamalan din siyang biktima ng abuso? paano kayang tinitingnan ng biktima ng abuso ang babaeng nasa tabi niya sa araw ng kanyang pagpapakonsulta? e iyon kayang mga taga-ospital, alam niya, basta huwebes, ang mga babaeng nasa loob ng clinic na iyon ay nakaranas na ng abuso.

nagtanong siya sa information office ng ospital. bumalik daw siya sa umaga. hiningi ni marie ang phone ng ospital.

kinabukasan, 8:15 impunto, tumawag si marie sa ospital at nagpa-connect sa women's health clinic.

marie: nagkakabit po ba kayo ng IUD?
babaeng nakasagot: hindi. ano ba iyon?
marie: yun pong sa family planning.
babaeng nakasagot: puwedeng pumunta ka na lang dito?

biglang nagsalita palayo sa telepono ang babae.

babaeng nakasagot: doktora, nagkakabit ba kayo ng IUD?

nagreyna ang patlang.

babaeng nakasagot: oo, nagkakabit pala. pumunta ka na lang dito.
marie: may bayad po ba?
babaeng nakasagot: hindi ko pa alam. kung meron man, hindi naman mahal.
marie: mga magkano po ang dapat kong dalhin?
babaeng nakasagot: basta, mura lang iyan.
marie: sige po pupunta na ako.

tuwang tuwa si marie dahil may isa siyang mache-check-an sa kanyang to do list ngayong tag-init. ang magpa-IUD.

nagdala ng P500 si marie. hanggang nang panahon na iyon ay hindi siya sigurado kung private o public ang ospital na babalikan niya. kung sakaling kulang ang P500 niya ay babalik na lamang siya uli.

dumating si marie 9:10 ng umaga. pagpasok niya sa women's health clinic ay may mga pito o walong babaeng karamihan ay buntis ang nakaupo sa tapat ng isang mesa. tinanong ni marie ang pinakamalapit sa kanyang babae.

marie: saan po nagpapalista?
babae: diyan.

itinuro ng babae ang mesa. walang tao roon.

biglang nagsalita ang isa pang babae. magtanong ka muna sa labas.

nagpunta sa information desk ng out patient department si marie. ito ay katapat lang ng women's health clinic. tinanong niya ang lalaking nag-aasikaso ng mga papeles doon.

marie: sir, saan po magpapalista para sa women's health clinic?
lalaki: buntis?

ang lakas ng boses nito. para bang gustong ipahiya ng lalaki si marie.

sumagot si marie nang buo ang loob. matagal na siyang nakakaranas ng iba't ibang klaseng intimidation. medyo manhid na siya sa ganitong klase ng treatment. pero unti-unti na niyang nari-realize na pampubliko ang ospital ngang ito.

marie: hindi po.

biglang huminto ang lalaki sa pagtitingin-tingin sa papeles na nasa kanyang harap.

lalaki: o, anong nangyari?

hindi humihina ang boses ng lalaki. naisip ni marie, paano kaya kung isa siyang illiterate na dalagitang minolestiya ng amo? makakasagot kaya siya sa ganitong paraan ng pagtatanong? paano kaya kung isa siyang dalagang ni-reyp ng sariling tiyo? makahuma kaya siya sa lakas ng boses ng lalaki?


marie: magpapakabit sana ako ng IUD.



sa mesa namang iyon ay nakaupo ang isang babaeng nasa 40 anyos, nakaputing damit, taas at baba. mukhang siya ang nurse na nakatoka sa women's health clinic.

marie: ako po yung tumawag tungkol sa IUD.
nurse: ikaw ba iyon? sige maupo ka. meron, nagkakabit daw si doktora ng IUD.