Tuesday, December 23, 2008

STS Zambales

Noong 21 Disyembre, ginanap ang huling STS project. STa. Cruz, Zambales ang aming destinasyon.

at pakshet. nagpapasalamat talaga ako. tapos na ang proyekto.

nagpapasalamat ako

1. natapos siya nang taong ito. katulad ng inaasahan at talaga namang ninanais ko. ayokong sumampa ang 2009 na may inaalala pang iiimplement na natirang sesyon.
2. dahil matagumpay ang proyekto. me konting kapalpakan pero over all ay mahusay pa rin at na-implement nang maayos.
3. wala na akong additional na makakaaway sa sesyon o sa proyekto dahil tapos na nga ang sessions.
4. dahil hindi na mababawasan ang savings ko (para kay ej) pang-abono sa implementasyon ng proyekto.
5. hindi na ako mapapagastos para sa pama-pamasahe namin ni ej papunta sa malalayong lugar.

itong sa STS zambales, maraming kakatwang nangyari.

na-late kami ng alis sa maynila. dapat 330am ay paalis na kami sa Jollibee philcoa. pero dahil sa atrasado ang aming speaker at may na-late pang isang member, mag-aalas-singko na nang makalarga kami. wala akong tulog niyan. nakalimutan ko na kung bakit.

pero masaya naman ang aming biyahe. kuwentuhan nang kuwentuhan at biruan nang biruan.

at natutuwa ako kahit na hindi kami masyadong close sa isa't isa ay nagkasundo-sundo kaming lahat. heto ang mga nakasama sa zambales:

1. ynna
2. phillip
3. rye
4. mark
5. levi
6. tina
7. marly (kapatid ni tina)
8. beng
9. ej
10. sir mike
11. mam jeanette
12. kuya jun (ang nagmamaneho)

tanong: paano kami nagkasya sa isang van na karaniwan ang size?
sagot: magic

sa sctex, nagmistula akong tour guide. 6:00 am ay naroon kami, binabagtas ang daan papuntang sbma. ang ganda-ganda ng langit kapag nagbubukangliwayway. wala talagang tatalo sa ganda ng bayan ko.

sa umpisa ay parang mga higanteng anino lang ang mga bundok. pero habang nagliliwanag ay unti-unti nang nakikilala ang mga gubat na yumayakap sa katawan ng bundok.

hindi naman talaga ako maalam sa mga pangalan ng bundok. kaya sabi ko na lang, to your right is the mount arayat. to your left is the small arayat. next to small arayat is the medium arayat. at kapag mountain range, long and winding arayat.

buti na lang at mabababaw ang kaligayahan ng mga kasama ko. mapagpatol sa aking mga joke hahahaha

tapos ang natatandaan ko pa nung tumawa ang kagigising na si ej na katabi ko lang naman, sabi ko sa lahat, turn to your right.( isang mapunong lupain.) now welcome to where's wally. find him. tik tak tik tak tik tak. time's up!

tawa nang tawa ang anak ko.

sabi ng mga kasama ko, ano nga ba ang aking nakain? mali sila. ano nga ba ang hindi ko naiturok sa sarili ko? hahaha

sa loob ng subic freeport, huminto kami sa dive shop. nadatnan naming nag-aalmusal si Jowa. hubad-baro kaya nagmamadali kong tinakpan ang kanyang exposed na mga utong at pagkalalim-lalim na pusod. ang walanghiya, igigisa pa ako sa kahihiyan.

nagsi-wiwi-an na ang aking mga kasama. at dinampot ko naman ang pinaghirapan ni Jowa na registration form ng STS Zambales. iniwan ko na rin ang banig at kumot na gagamitin ng mga matutulog sa dive shop that night.

tapos lumarga na kami papunta sa sta. cruz, zambales.

ang inaakala kong maikling biyahe na lamang ay tumagal pa nang 2.5 hours! pero tulog na tulog na ako noon kaya di ko namalayan na matagal talaga ang biyahe. nagising ako at medyo nainip sa candelaria na. dumaan pa kami sa iba at sa mismong sta. cruz. nako, napakahahaba ng mga bayan dito. ay sus. at walang katapusang puno, halaman, taniman ang makikita.

bigla ko tuloy naalala ang krisis sa bigas noon. kung i-eexpose sa madlang pipol ang mga bayang ito, magtataka talaga sila at magtatanong ng SAAN NAPUPUNTA ANG INAANING BIGAS NG PILIPINAS?

May nadaanan din kaming mga poste na plastado ng mukha ni Bayani Fernando. aha! walang duda. nangangampanya si kuya! anak ka ng tokwa. baket? sakop mo pa ba ang zambales bilang MMDA chairperson? style,ha?

Meron din kaming nadaanang pasaway na mga bata. nagtataguan-pung yata sa haywey. isang beses, gumewang ang van namin sa pag-iwas sa kanila.

Sa wakas, narating namin ang venue: ang North Central Elementary School. Sinalubong kami ni Kuya Ken. Si Kuya Ken din ang same guy na tumulong sa Hilakbot Group noon nang magdaos ng literary arts fest sa nabanggit na bayan.

Sabi ni Kuya Ken, wala pa raw si Mayor Marty. Abiso rin ni Jowa, na kaibigan ni Mayor, ay nasa Maynila pa ito at pauwi na rin sa Sta. Cruz nang araw na iyon. Naiwan ko tuloy sa mesa ni Kuya Ken ang pouch ko na may lamang pera at cellphone at ang registration forms. Na-excite kasi ako nang sabihin niyang may naghihintay na almusal para sa amin sa bahay ni Mayor.

Hinatak ko ang buong grupo doon. 9am na kasi at mukhang inip na ang mga guro sa amin. 8am pa lang yata ay naroon na sila. Bagama't mas konti sila sa aming inaasahan (98 ang unang tala), 77 na kaluluwa pa rin ang naghihintay sa amin.

Nag-almusal kami ng hotdog at scrambled egg at kanin at kape.

May napansin akong kalungkutan sa bahay na iyon. Parang dumilim ang aura. Parang may nawala. Hindi na katulad nang una akong makatapak doon. Tuwang tuwa ako noon kasi very old, cozy at warm ang dating. Medyo creepy dahil sa mga retratong luma, na patay na tiyak ang mga tampok na tao. Pero okay pa rin ang dating.

Noong linggo, iyon nga, may kakaiba sa bahay na iyon.

Sumalubong sa akin ang isang matandang babae. Ito si Ate na nagpakain at nag-alaga sa Hilakbot Team noon. May isa pang mas batang ate ang lumabas mula sa kusina. Ito rin, natatandaan ko, ang isa sa mga niregaluhan ko ng aklat bago bumalik ang Hilakbot sa Maynila nang huling araw ng literary arts fest. Mga katiwala sila ng bahay.

Kamusta? Kamusta?

Mukhang hindi nila ako natatandaan. Pinakilala ko ang sarili ko't mga bago kong kasama. Tapos pagkaraan ng ilang minuto, sa loob ng kusina, sabi niya, iyan na ba, inginuso niya si EJ, 'yung kasama mong bata noon? Sabi ko, opo!

Nangiti na ako. ayan, naalala na ni ate.

Bigla ko ring naalala ang naiwan kong mga gamit sa venue. Patay ako pag nawala iyon. Nandun ang lahat ng pera ko, ID, ATM at iba pa. Kaya nauna na kaming bumalik sa venue nina Sir Mike at Mam Jeanette para umpisahan ang programa. Naiwan ang ibang ninanamnam pa ang almusal.

Sa venue, ngumiti sa akin ang mga gamit ko. Steady lang sila. Sa mesa ni Kuya Ken.

Nakaraos ang buong umaga nang walang aberya. Napakabibo ng mga delegado.

Mga 10:15 ng umaga, dumating sa venue ang fellows at members na naiwan sa bahay ni Mayor Marty pagka-almusal. Nagkuhanan sila ng mga retrato sa venue. Kinausap ko si Kuya Ken kung maaaring dalhin ang grupo sa Sagrada Familia Cave. Oo raw, pwede raw. agad kong sinabi ito sa grupo kaya tuwang-tuwa naman sila. Ilang saglit pa, lumarga na sila papunta sa kuweba.

Nawala sa isip kong magpabaon ng flashlight!

Ala-una na nang magpatanghalian si Sir Mike. Sa venue kumain ang mga delegado dahil dinalhan sila ng mga taga-munisipyo ng pagkain. Sponsor din ng pagkain si Mayor Marty. Kaming tatlo naman, Mam Jeanette, Sir Mike at ako e bumalik sa bahay ni Mayor. Wala pa ang grupong nanguweba. Nag-aalala na ako. Kasama pa naman nila si EJ. Nagtext ako kina Phillip, Rye at Tina. Walang reply. Naku, baka namatanda ang mga iyon. Baka iniligaw ng mga engkanto. Baka hinila ng mga duwende. Inay.

Bumalik agad kami sa venue para ipagpatuloy ang panayam. dumating si Kuya Paul, isa ito sa mga nag-entertain sa Hilakbot Team noon. Single pa rin ito. Akala nga namin e liligawan si Jing hahahaha Sabi ko, Kuya Paul, naaalala mo pa ba si Jing? Oo naman, anya. Naku, kako, nag-asawa na po. hahaha e bakit naman kasi hindi n'yo finallow-up? tumawa lang si Kuya Paul.

Kamusta po, tanong ko.

Heto, sagot ni Kuya Paul sa malungkot na tono. Ilang Pasko na kaming walang Christmas Party. Ayaw magpa-party ni Mayor, e.

Nagrereklamo yata si Kuya Paul.

Mula nang mamatayan ng anak si Mayor.

Napamulagat ako doon. Naibalita ito noon sa akin ni Jowa. Pero nalimutan ko. Nalimutan kong namatayan nga pala ng anak si Mayor. Isang batambatang doktora ang kanyang anak. Dadalawa ang anak ni Mayor. At ang isa ay nasa Maynila. Bihirang umuwi.

Namatay sa taba 'yon, ani Kuya Paul. Noong binuksan ang dibdib, nakitang nababalutan ng taba ang puso niya.

Tatango-tango lang ako.

Magkasingtaba sila ni Mayor. Nagsasalita si Kuya Ken na parang nagbabalita tungkol sa isang bagay na malayo sa kanya. Isang batas tungkol sa pagpapaanak ng mga unggoy, parang ganon. Walang emosyon.

Sa isip ko ay parang me suminding bumbilya. 'Yon siguro ang dahilan kung bakit malungkot ang aura ng bahay ngayon. All along, akala ko, e, dahil sa bagyong tumama sa Sta. Cruz, Zambales noong summer. Yes, summer.

Bigla akong nagka-awkward feeling. Anong sasabihin ko? Bigla akong nagwish na sana magpaalam na si Kuya Paul dahil me gagawin pa siya somewhere.

Inisip ko na lang ang mga gawain at kasamahan ko. In an hour, mag-uumpisa na ang pagsusulat ng tula. Tapos nun, palihan. Patay. Kailangan na namin ni Sir Mike ng makakatulong.

Buti, tahimik din si Kuya Paul. Tinext ko uli si Rye. Finally, sabi ni Rye, pabalik na sila. Tinantiya ko ang oras. Nang nagsusulat na ng tula ang mga delegado, pinuntahan ko sila sa bahay ni Mayor.

Sa labas ng school, noon ko napagmasdan ang plasa. Parang biglang nanlimahid sa paningin ko. Parang me lambong. Pati ang kainan ng palabok sa tapat ng bahay ni Mayor, madilim. Sa harap, mukhang ok siya. Madilim pero ok. Sa gilid, makikitang wasak ang dingding ng 2nd floor nito. Noon ko lang napansin, malungkot ang bayan Dahil sa bagyo at kamatayan.

Tahimik ang bahay ni Mayor mula sa labas. Parang walang taong dumating. Pag-akyat ko, natagpuan ko ang iba sa kanila sa hapag. Patapos nang kumain. Ang iba, tapos nang kumain. Walang nakangiti. Me nadisgrasya kaya?

Tinanong ko ang mga kumakain pa. Kamusta? Kamusta?

Okey lang.

Huwat? Ganon lang ang sagot? Ang inaasahan ko kasi, super excited na "Bebang, ang ganda! Grabeeeeeeeeee!"

Anong okey lang?

Bebang, hindi mo man lang sinabi sa amin na aakyat kami ng bundok!

Ayun. Oo nga pala.

Nalimutan kong me konting hiking doon. Di ko rin nasabi sa kanila. Pero kaya di ko na rin siguro inabala ang sarili kong sabihan sila ay dahil kakaunti lang naman yun, pagkakatanda ko. Kayang kaya na nila.

Pero hindi. Yun ang reklamo nila, mahabang pag-akyat ng bundok. At ang init. oo nga naman. Tanghaling tapat yon!

Bigla kong naisip, bakit parang andali-dali lang naman nun nang umakyat kami, ng hilakbot team? At hindi rin kami nainitan.

Ang konteksto. Buong konteksto, inilahad ng aking alaala.

Nang akyatin ng Hilakbot Team ang daan papunta sa Sagrada Familia Cave noon ay Agosto. At kagagaling lang namin that summer sa Sagada. Pinipigilan kami ng mga magiging guide namin sa Sagrada Familia dahil madulas daw doon sa pag-akyat at malayo raw ang lalakbayin. Pero makulit ang Hilakbot Team. Ayaw paawat. Sagot namin, kaya po namin 'yan.

Makaraan ang ilang sandali ay nakarating kami sa kuweba nang walang aberya. Nalusutan din namin ang mga kuweba nang mabilis at maginhawa.

Pinagtawanan pa namin ang mga alalahanin ng guides namin. Kasi sobrang dali talaga ng hike kumpara sa pinagdaanan namin sa Mt. Ampacao ng Sagada. at lalo naman ang Sagrada Familia Cave kumpara sa Sumaguing Cave. Tsiken ba.

'Yun ang di ko naisaalang-alang. Una, hindi Hilakbot Team ang aking mga kasama ngayon. Ikalawa, hindi naman galing sa pamumundok ang grupong ito, dive nga ang kanilang idinayo. Ikatlo, tanghaling tapat at bagama't hindi summer ay hindi naman Agostong maulan tulad noong hilakbot team ang umakyat.

Palpakinensis ka talaga, Bebang.

Hinarap ko ang pinaka-malamang na magiging kaaway ko sa trip na iyon: si EJ.

Kamusta, baby? tanong ko.

Okey lang, laglag-balikat niyang sagot. Ni hindi tumingin sa akin. Naghahanap ng maiinom na tubig ang mga mata niya.

Bago pa ako masermunan ng iba, iniba ko na ang paksa.

Tara na! Palihan na!

So hindi na kami makakapagfreshen up? tanong ni Beng habang pinapagpag ang milyon-milyong talahib na kumapit sa kanyang pantalon.

A, okey sige, hintayin ko kayo.

Ilang minuto pa ay sakay na kaming lahat ng van pabalik sa venue.

At pagtapak na pagtapak sa venue ay nag-umpisa na ang katayan este workshop ng mga akda ng delegado.

Pumuwesto ang iba sa amin sa gilid, umupo sa mga nakasandal na upuan. Ang iba sa likod, malapit sa pinag-uuusog na upuan at mesang hindi nagamit. Ang iba, nakihalubilo na sa mga delegado.

Pagkatapos ng mga trenta minutos na palihan, dumating si Mayor Marty. Pinapirma ko siya sa mga sertipiko at nagdesisyon kaming magpicture taking muna kasama ang lahat. natigil nang saglit ang palihan para roon at pagkatapos ay palihan nang muli.

Umuwi na agad si Mayor sa kanyang bahay.

Pero bago iyon, tinanong niya kung ano ang gusto namin para sa hapunan. Magluluto raw siya para sa amin. Biglang pumarada sa isip ko ang banye-banyerang sugpo at alimango noon na inihandog niya sa Hilakbot Team. Diyos ko, nag-rrrrrrr talaga ang sikmura ko.

Siyempre, sabi ko lang, bahala na po kayo pero meron po kaming vegetarian. Nag-usap sila ni Beng. Kasi ito palang si Mayor, maraming nalalaman tungkol sa vegetarians. Anong klaseng vegetarian ka? ganyang mga tanong ang ipinukol niya kay Beng.

Tumagal pa nang isang oras ang palihan. Base sa mga na-check-an kong mga akda, minamadali na ng mga delegado ang pagsusulat nila. Kasi 5:00 na iyon. At medyo marami pang exercise para sa kanila ang inihanda ni Sir Mike.

Nakakalungkot talaga, kasi 'yung iba ay hindi na nahintay ang pagtatapos ng STS. Masyado raw malayo ang kanilang uuwian. May oras ang transportasyon sa malalayong barangay.

Pagkatapos ng palihan, nagbigay na kami ng sertipiko. Per school na lang ang ginawa namin. Medyo palpak nga itong part na ito kasi hindi namin malaman noong umpisa kung saan pupuwesto para may tamang flow ng pagbibigay ng sertipiko. At pagkuha ng output at feedback form sa kanila.

Pagkatanggap ng sertipiko ay umalis na ang ibang delegado. So 'yung huling mga nakatanggap halos wala nang pumalakpak sa kanila. Wala na ring energy masyado ang LIRA pips.

Sa ganitong paraan natapos ang huling sesyon ng STS. So medyo nalulungkot ako. Siyempre sana nagtapos ito sa mas masayang paraan.

Pero narinig yata ng Diyos ang puso ko. Pagbalik namin sa bahay ni Mayor, kuwentuhan na naman at biruang umaatikabo. Inilabas ko na rin ang aking Christmas gift para sa lahat. Ang walang kamatayang santa hat. Binigyan ko rin sina Mayor at ang mga kasama niya sa bahay. Ang kanyang asawa nga pala ay nasa kabilang bahay na nasa loob ng compound kung saan kami naroon.

Nagpicture-taking uli kami. Puro LIRA pips. Kasama si Mayor na naghihiwa ng cauli flower. Formal. Wacky.

At feeling ko, nagpasalamat ang lahat nang tawagin kami sa hapag. Ipinagluto kami ni Mayor ng masaganang masaganang hapunan. Yes, may sugpo. May isda. Sori nalimutan ko na ang pangalan. May salad. May adobong baboy. ahahay! Ang mantika. at marami pang iba. Nagdasal kami bago kumain. Si Tina ang naglead at ipinagpasalamat din niya ang kaarawan ng kanyang kapatid. Dahil na rin siguro sa matamis na panalanging iyon, lalong tumamis ang aming hapunan.

Hindi matapos-tapos ang pasasalamat namin kay Mayor nang nagpapaalam na kami. Masaya rin siya, ramdam ko, sa pagbisita naming iyon. Napaka-sincere ng kanyang ngiti. At ng mga mata. Malungkot pero may bahid ng ligaya dahil sa amin. Kalaunan, sasabihin sa akin ni Jowa, grateful din talaga si Mayor sa pagbisita namin at ng iba pa niyang bisita dahil kahit paano ay nalilimutan nito ang nangyari sa anak. Paano nga ba papasayahin ang ganitong tao sa Pasko?

Monday, December 15, 2008

birthday happy! part 2

Umaga

Nag-almusal kami nina ka pilo, rye, ako at jowa ng:

1. pinritong galunggong na may sawsawang toyong lumalangoy sa kamatis
2. salad na gawa sa tsinaptsap na kamatis, carrot at pipino na ang dressing, ceasar salad
3. tinapay na ang palaman ay lily's peanut butter

in random order 'yan.

si rye ang may pinakamaraming nakain sa lahat. kasi hindi marunong tumanggi hahaha lahat ng ialok, e nginunguya in 10 seconds.

nagkuwentuhan kami habang nag-aalmusal.

ikinuwento ni jowa ang panahon na mais at piggery pa ang business niya. sabi niya ang ginagawa ng mga retailer na magkakarne sa kanilang tindang baboy ay ganito: kapag namatay daw ang baboy, malamang na ifi-freeze ang karne. tapos ito raw ang gagawing tocino, tapa at iba pa. kasi kapag ibebenta pa raw ito sa palengke, malamang na mahuli ang mga magbebenta. kasi halatang-halata sa itsura ng karne na double dead ang baboy. me linya ng mga dugo ang laman.

tapos humirit din si ka pilo na cancerous ang peanut butter. sa proseso daw ng paggawa nito, may hindi tama. nalimutan ko na kung ano. pero sabi niya, ginigiling ang mga mani.

ganyan kasarap mag-almusal kasama ang mga mokong na ito.

pagkatapos, lumarga na kami. ibinaba namin si ka pilo sa edsa kasi uuwi na siya sa batangas. itong si rye ay maglalamyerda raw muna sa recto kaya sumabay siya sa amin hanggang uste.

bago ako bumaba ng sasakyan ay nagpaabiso ako kay jowa na bumili ng pansit at keyk para sa mga co-faculty ko. noong una, parang ayaw kong magpakain pa roon. kasi gastos lang. si jowa, gusto. pero nagbago rin ang isip ko kasi naisip kong kung last december ko na doon dapat naman talagang magpakain ako sa aking kaarawan. kaya naman sabi ko kay jowa, pipik-apin ko na lang ang oorderin niyang pagkain pagdating ng tanghali. sa goldilocks namin binalak bumili. oo raw.

nagpaalam na ako kina jowa at rye.

sa unang class ko, sobrang energetic ako. though alam kong walang nakakaalam na birthday ko that day, sinuot ko yung dilaw na blusang ibinigay ng kapatid ko. sa sobrang tingkad nito, imposibleng hindi ako mapansin. at kahit sambakol ang mukha ay magmumukha kang masaya sa blusang ito.

kaya iyon ang isinuot ko sa aking kaarawan.

but no, walang pumansin. umaasa ako hanggang sa huling minuto ng first class ko na may magtatanong ng: mam, bertdey mo ngayon? parang ansaya-saya mo, e.

so bigo ako sa unang class.

lipad at dapo sa 2nd class. habang ako ay may ina-anunsiyo, biglang nagvibrate ang aking cellphone na nakasukbit sa leeg.

ang aking bespren! tumatawag mula sa kabilang panig ng mundo!

kaya sabi ko, "excuse me, class, tumatawag ang bespren ko. hulaan ninyo kung bakit." tapos lumabas ako.

mga 1 minute kaming nag-usap ni bespren. 1 minute ako sa labas ng classroom. pagbalik ko, wala pa ring nagtatanong o bumabati. natapos naman nang masaya ang klase ko. as usual.

TANGHALI

kaya pagring na pagring ng bell, diretso na ako sa faculty room. nang makasalubong ko si mam cora, nagpasama ako sa kanya para kunin sa chowking (as what jowa texted) ang tatlong bilao ng pansit kanton.

pagdating namin dun, nalungkot ako.

kasi wala raw silang bilao. inilagay sa siyam na styro ang pansit. sabi ko, sana sinabihan ninyo yung bumibili na wala kayong bilao. sabi ng nasa counter, sinabihan naman daw niya.

ano pa nga ba ang magagawa ko? kahit mukhang nalugi kami sa ginawa ng chowking ay pinilit ko pa ring maging masaya. hindi chowking ang magpapalungkot sa akin. hindi ang kanilang pansit sa bilao na wala naman sa bilao.

pagbalik sa faculty room, dali-dali kaming naghugas ng mga plato at tinidor. itinaob namin sa ilang plato ang lamang pansit ng styro tapos hinati ko sa dalawa ang mga styro para hindi na kailangang magplato ang mga kakain sa aking handa.

at nagsalo kami sa malangis na pansit ng chowking. pampahaba nga naman ng buhay. burp.

marami ang bumati sa akin kaya ang saya-saya ng aking lunch time.

binigyan pa ako ni mam raquepo, ang idol ko sa pakikisama at pakikitungo sa kapwa, ng isang wallet na makulay at may P50 sa loob. tapos kiniss niya ako sa pisngi. isa siya sa ipinagpasalamat ko kay god nang araw na iyon.

binati rin ako ni ms patricia ng ballet manila. nag-usap kami tungkol sa kapalpakang nangyari sa ticketing services para sa mga estudyante ko para sa kanilang production. pinakahuli kasi kaming nagbigay ng listahan kaya marami sa mga estudyante ko ang hindi nakapanood ng kanilang palabas.

anyway, sabi niya,heto pa po ang mga ticket. 50 pa. gusto ko raw bang ialok sa mga estudyante ko.

ang problema, may klase ang mga estudyante ko sa oras at araw ng palabas nila at dahil may libreng karnabal ang tiket na iyon, hindi ko na kinuha. ayokong mag-absent ang mga estudyante ko para lamang sa isang bonus work sa Filipino.

ok naman daw kay Mam patricia. tapos binigyan niya ako ng 2 compli ticket. may pampanood na kami ni ej.

HAPON

tapos sa 2-3 pm class ko naman, pagpasok na pagpasok ko ay kinantahan na ako ng happy birthday. sa wakas hahaha. thank you. thank you sa 1EPM!

nag-umpisa ang class sa panalangin at sinegundahan ng quiz. individual. dati kasi laging group. anakngtokwa ako magbertdey ano?

pagkatapos ng mga klase ko ay dumiretso na ako sa sasakyan ni jowa na naghihintay sa dapitan super wide super highway parking lot. may plano kaming maglamyerda kasama si ej.

tinawagan na namin si ej para sabihing dadaanan namin siya sa bahay.

430pm nasa SM Marikina kaming apat. kasama si ate.

ang ganda-ganda. napakamodern ng dating ng sm na ito. airport yata ang kinopya. puwedeng manalamin sa mga tile. kakintab! parang nakakailang tapakan. at siyempre, nagbobonggahan, nagbabanggaan ang mga mamahaling cologne, relo, tsokolate, damit. umaapaw ang mga laptop, camera at iba pa.

parang wala ka sa third world.

bumili kami ng sandalyas ko at isang pares ng gomang tsinelas. ibinili din namin si ate ng gomang tsinelas. na hindi magkamukha. uso pala yon. ibinili na rin namin si ej ng isang pares ng sapatos na pamasok sa school. naiwan kasi niya sa las pinas ang itim niyang sapatos na bagama't napakakomportable raw sa kanyang paa ay medyo ngumanganga na.

saka kami naggroserya. doon naubos ang aming oras at enerhiyang pang-hanggang next week pa sana. dahil sa laki ng groserya, at walang sistema ang pagpili at pagbili namin, paikot-ikot kami sa airconditioned na football field. yes ganon kalaki.

tapos nagdinner na kami. sa xavierville. sa ababu.

isa itong persian restaurant. no, hindi naman talaga restaurant. mas disente lang ng isang paligo sa turo-turo. pero kahit ganyan ang set up ay talaga namang sikat at dinadayo pa sa sarap ng kanilang pagkain. dati itong nasa up village. pinuntahan nga namin ni rita ito noon kaya lang under renovation pala. kaya dehins namin natikman ang pagkaing highly recommended ni rayts.

natuklasan ni jowa ito noong isinama siya ni emil. nag-aalala nga siya noong nasa sm kami. baka raw di ko magustuhan kasi simple lang yung lugar. sabi ko kung masarap naman doon e di doon na kesa naman sa sm na naman. minsan, nakakasawa din yung pagkain sa mall. so kumain nga kami sa....ABABU!

shawarma rice ang inorder ko. kay ej at kay jowa beef rice yata at kay ate chicken rice.

andami-daming dumating na pagkain sa mesa. at ang daming kamatis. ako ang tagaubos ng kamatis kasi si jowa at ej, hindi type ang inihaw na kamatis. bottomless din ang iced tea. good luck sa lalamunan talaga.

masarap ang kanilang shawarma rice. marami pa ang serving. pangbirthday ang serving hahaha

pagkatapos ng isa na namang malangis na hapunan, umuwi na kami.

pagdating sa bahay, nag-ayos kami ng mga pinamili at tinuruan ko agad si ej ng assignment niya sa math. tungkol sa congruent lines. ang arte-arte talaga ng mga term sa math. ang ibig lang namang sabihin e magkasinghabang linya. inis na inis naman si ej kasi pinaghintay ko siya sa kalagitnaan ng isang number ng kanyang assignment. paano, bigla ba namang tumawag sina eris at ron? kuwentuhang umaatikabo ito. sinasaid ko sa tuwa ang huling minuto ng aking ika-29 kaarawan.

kaya naman, hatinggabi na akong umakyat ng kuwarto.

kumbakit

ako nalulungkot ngayon, binabatbat ng ligalig ang puso ay hindi ko alam.

nalulungkot ako kapag nakakakita ako ng pares sa loob ng dyip. o kaya isang pamilyang nagko-commute, aalog-alog pa ang ulo ng sanggol habang humaharurot si manong drayber.

gusto ko rin niyan sabi ko.

pero handa ba ako? kaya ko bang magsakripisyo?

minsan, karuwagan ang siyang pumipigil sa kaligayahan na pumasok sa buhay ng may buhay.

Saturday, December 13, 2008

crisis management seminar

andito ako ngayon sa isang pa-seminar ng aming paaralan tungkol sa crisis emergency disaster preparedness.

si dr lito maranan ang speaker.

heto ang mga natutuhan ko:

safe dapat sa lahat ng procedure. kahit mabilis ang pag-evacute, basta may nasaktan, hindi tayo successful.

marami sa mga building sa uste ang walang emergency exit. pati building namin. oh-em dyi!

lahat ng pinto sa main building ay papasok ang pagbukas. mali pala ito. napakamapanganib pala lalo na kapag may emergency.

dapat lahat ng emergency exit ay papalabas ang pagbukas. HINDI PAPASOK.

dapat ang school records ay may tatlong kopya. isa, nasa eskuwela. ang dalawa, nasa isang lugar na several kilometers away from the school. kasi kapag nasunog o nanakaw o nabaha ang mga iyan, malaking memory ng paaralan ang mawawala.

tanging college namin ang may dalawang pinto bawat classroom. at parehong papalabas ang pagtulak ng pinto. hurrah!

kapag may sunog, dapat maka-evacuate ang mga tao in less than 5 minutes. pag sumobra riyan, unsuccessful.

fire never travels down. kapag nasa kisame yan, katabing kisame ang unang unang lalamunin. hindi ikaw. kaya wag magpanic. gumapang nang gumapang. nang mabilis, ha

every 400th year merong napakalaking disaster na nangyayari sa pilipinas. last year yung ika-400 na taon.

bago pa man ang emergency situation, dapat meron nang nakatalagang floor captain. isa bawat palapag. at dapat guro. kasi kung estudyante, hindi sinusunod ng kapwa estudyante.

sa karanasan ng speaker, kapag may fire o earthquake drill, ang mga guro e nagtatago lang sa faculty room. hindi lumalahok. may batas pala na nagsasabing ang taong hindi lalahok sa mga drill ay maaaring makulong at magbabayad pa ng penalty na P1000.

dapat magtalaga ng evacuation area para doon papupuntahin ang mga tao. madalas kasi nakatunganga lang sa labas ng building ang mga taong pinalabas ng building. kaya mas nahihirapan makapasok ang mga sasakyan para sa rescue.

ang mga emergency escape plan ay dapat laging updated at eye-level. itong kuwarto kung saan idinadaos ang seminar, nasa ibabaw ng isang bulletin board ang aming emergency escape plan.

sa emergency situation, dapat may tatayo agad na leader para magbigay ng direksiyon. kung walang tatayong ganyan, magpapanic ang mga tao at magkakagulo.

kaya huli dumarating ang bumbero kasi huli rin silang tinatawagan. malaki na ang sunog bago sila tawagan.

tumawag sa 522-22-22 para sa sunog. filipino-chinese volunteers yan. 749-7194 ang sa sampaloc fire department naman.

yung taong pinakamalapit sa exit o sa pinto ang unang lalabas.

once nakalabas na ng building, manatili sa labas. mas marami sa mga bumabalik ang namamatay.

sa ibang bansa, ang mga kabinet ay nakatali sa pader. dito sa atin, hindi pa nagiging habit iyan. maaaring makadagan ng mga tao ito kapag may lindol.

sa ibang bansa, may gadget na ibinibigay sa mga bata kapag may lindol. ipinapatong ito sa ulo ng mga bata. dito sa atin, wala. pero may mga aklat na maaring gamiting pantakip sa ulo. lalo na iyong mga hard bound na aklat. ibuka ito at ipatong sa ulo. maaaring makatulong ito sa pagliligtas ng iyong buhay. mabuhay ang mga aklat!

kung may estudyanteng naghi-hysterical, lapitan agad at kausapin. sabihing dadalhin na siya sa ospital. garantisado raw na magtitino ito agad.

problematiko ang mga dulo ng hagdan na nakatapat sa bintana o salamin. pag nagkatulakan pababa, dire-diretso sa labas ang mga tao via the bintanas.

kung may kumakalikot, sumisira o anuman ng kahit na anong gamit para sa emergency, isumbong. dapat pinaparusahan ang mga makakating kamay na iyan.

Thursday, December 11, 2008

birthday happy! part 1

mahabang pagdiriwang na naman ang nangyari para sa aking kaarawan!!!

dec 9

sinlaki yata ng dalandan ang aking tonsil. hindi rin ako masyadong makapagsalita dahil kumikirot ito tuwing gagawa ako ng anumang tunog. kaya halos buong araw lang akong nasa bahay. tapos sinisinat-sinat pa ako.

alas-siyete nang umaga, tumawag ako sa dean's ofc para sabihing hindi ako makakapasok. sa sobrang tamlay ko, hindi ko nasabi ang aking dahilan. kaya naisip ko tuloy kung dapat ba akong magtext sa aming dept. head. mabait naman si sir nuevo kaya lang natatakot ako na baka isipin niyang um-absent lang ako dahil sa parating kong birthday.

kaya hindi na lang ako nagtext. magpapaliwanag na lang ako pagpasok ko sa trabaho.

nagpahinga ako buong umaga, nananghalian tapos naghalungkat sa mga kahon-kahon. natuklasan ko na kung saan nakabaon ang mga aklat from adarna na aking kinonsayn 100 yrs ago. naisip kong isoli na ang mga hindi naibenta at bayaran ang mga nabenta. kaso pagsapit ng 2pm, nagtext si sir vim. kailangan daw ako sa icw dahil may hindi ako napirmahang papeles ng umpil.

by 3pm, pumipirma na ako. anong page ang hindi ko napirmahan? yung una.

nge. nge talaga.

tapos nakita ni sir vim ang mga aklat adarna. naisip niyang papiliin sina ate glo, ate arlene at eva ng mga aklat na gusto nila. yun na ang aguinaldo ni sir vim sa kanilang mga anak.

ayos. mababawasan ang mga aklat na dadalhin ko sa adarna house. tumawag na rn ako kay fiona ng adarna para sabihing ako ay papunta na roon.

pero habang pumipili pa ang mga tao mula sa bunton na dala ko, umakyat ako sa graduate studies ofc para mag-enrol ng residency.

finaly, makakapag-enrol na ako.

marami talaga ang nadidismaya sa maling akala.

kasi pagkatapos na iprint ang aking online registration ay pinapasulat pa ako kay mam pam constantino para ipaliwanag ang aking pagiging late enrollee at makiusap na ako'y tanggapin kahit disyembre na.

since wala akong dalang laptop at nahihiya naman akong makitayp pa sa icw, hindi ko na muna iyon inasikaso.sa next 333 years na lang uli.

bumalik ako sa icw, binilang ang mga aklat na natira at siningil si sir vim. na-sad ako. kasi ang bilang ko sa mga aklat bago ako umalis sa bahay ay 40. 60 lahat ng aklat na kinuha ko sa adarna. 20 ang kailangan kong bayaran. pero pagbalik ko from graduate studies ofc, 21 na lang yung natira. 19 yung nawala. pero ayon kina eva, ate glo at ate arlene, 14 lang ang kanilang kinuha. may nawalang 5. inisip ko tuloy baka nagkamali lang ako ng bilang. hay nako.ang hirap ng pinapagana ang calculator ng isip kapag may sakit.

ayan. so 39 na aklat ang kailangan kong bayaran sa adarna. kinolekta ko ang bayad ni sir vim para sa 14 na aklat at lumipad na ako papunta sa piedras platas kung saan nakadapo ang adarna.

mabilis na kinompyut ni ms fiona ang mga dapat kong bayaran.kaya nakauwi ako sa bahay nang 5pm. pagdating doon, inasikaso ko ang mga papeles na ibibigay ko kay charles. hindi raw siguradong makakarating si pam sa xmas party namin kaya ipapadaan ko kay charles ang mga papeles na para kay pam.

inisa-isa ko ang mga dapat kong ipareimburse. susmarya, inabot ako ng 6pm. nag-ayos na ako ng sarili. hinanda ko na rin ang mga dapat kong isoli sa mga lira member na hiniraman ko ng kung anu-ano at mga dapat na ibigay sa mga lira member.

sablay-mic
eros dvd-jay
40 agung-christa
papeles, pera etc-charles/pam
aklat-pang-exchange gift

at siyempre ang mga premyo para sa games!

bumiyahe na ako pagsapit ng 630. dumating ako 715 pm. akala ko nag-uumpisa na ang fellows night. naku, hindi pa pala.

buti na lang!

si tata ang una kong nakita. itong tao na ito ay napaka-supportive sa akin. at madaling kausapin. dala niya ang grand prize para sa raffle ng gabing iyon. ang likha niyang mother and child na gawa sa bato (yata). napakaganda nito. parang gusto kong maging relihiyosa nang una kong makita itong gawang ito ni tata.

tapos nagsave ako ng mesa para sa mga co-faculty ko sa uste. parating sila.

umupo ako sandali sa tabi nina kiko at tata. mayamaya, inisa-isa ko ang felows at members na naroon kung mayroon silang dalang aklat para sa exchange gift namin.

nakita ko rin si beng na kakuwentuhan si cynthia alexander. bigat.

paglipas ng isang oras, dumating si sir rio kasunod sina sir vim, sir jun balde, sir marne. saka nag-umpisa ang show of the millenium!

masaya ang nangyaring pagtatanghal. simpleng poetry reading lamang ang ginawa ng karamihan sa mga fellow pero pamatay ang mga special number. may kumanta habang may saliw ng gitara. may sumayaw na bading na impersonator na super maganda mukha pa siyang babae sa akin. lalo na sa katawan. at ang dulong number ay isang parang tula-dula featuring harry, hazel, undoy at yung bading na impersonator.

tawa ako nang tawa, grabe. ang kukulit ng nagsulat ng iskrip.

buti na lang at hindi nainis si sir rio. although sa kanyang speech, sabi niya, nang itatag niya ang lira, hindi niya akalaing magiging ganon ang kahihinatnan nito after 23 years hahaha hagalpakan kami ng tawa.

nakakatuwa ang batch na ito ng lira. ang aranya. iba't iba ang personality na nag-gel. ang ganda ng kanilang samahan. mahuhusay din sa iba't ibang field. higit sa lahat, kakaunti ang nalagas. meaning, marami ang determinadong tumula.

kaya napakaganda ng kanilang folio. parang tunay na aklat. isbn na lang ang kulang. sayang. sabi ko nga sa kanila noon, karerin na nila at magproduce na sila ng aklat, e. kaya lang masyado raw mahal at hindi pa sila ganon ka-confident mag-aklat.

Mga Tomasino

kauumpisa pa lang ng programa nang dumating ang ilang estudyante mula sa uste. isa roon si art, estudyante ko nang isang buong taon last year. mga taga-commerce journal pala itong mga dumating. siyempre nagulat ako dahil hindi ko naman sila naimbita. iyon pala si imee co, dating fellow at taga-uste, ang nagsabi sa kanila.

kaya sa kanila napunta ang sineyb kong mesa.

sa kalagitnaan ng performances, dumating sina mam cora, sir lito at karen. me dalang keyk. huwaw! pinaupo ko sila sa harap. e daan nang daan ang mga tao sa harap nila kaya nang oorder na sila ng hapunan, lumipat sila sa kabilang room. music room ata ang tawag doon. kasi mas peaceful daw kumain doon. sayang at hindi nila napanood ang mga tutula-tula sa aranya fellows night.

pagkatapos ng programa, lumabas na kami sa performance area ng conspi. doon kami sa parang garden. at agad kaming nagpa-raffle.

si gigi ang nanalo ng artwork ni tata! tapos nagpabunot na rin ako ng exchange gift. hindi ko na maalala kung bakit wala akong nabunot/natira.ang nakabunot ng regalo ko ay si sir bob. naku, akala ko pa naman treasure sa makakabunot ang regalo ko. koleksiyon ng mga nagwaging tula sa palanca dekada 80. kung batang writer ang nakabunot noon baka hanggang sa kabilang buhay pinasasalamatan ako. im sure meron ding kopya niyan si sir bob. hay.

si en naman ang nakabunot sa dala ni sir rio. isang coffeetable book. tapos si sir rio, yung kay ynna ang nabunot. aklat ni neil garcia.kamusta naman?

kaya hindi niya kinuha. sabi ko kay ynna sa text that night, sa akin na lang kasi ako ang walang nabunot. libro rin iyon, 'no?

libro, regalo at iba pa

ang mga nakuha kong regalo that night

isang pablo neruda book. yehey. mula kay sir jun balde
isang diary at isang key chain. yehey. mula kay mam lilia
maitim na gubat na keyk. yehey. mula kina karen, mam cora, sir lito

tapos dumating si jowa habang nilalantakan namin ang keyk sa music room. uwing uwi na ang mga tomasinong guro pero pigil ako nang pigil sa kanila hahaha sabi ko, birthday ko naman ngayon. kaya naka-chika-chika pa nila si jowa. nakilala din, finally, ni sir mike si jowa. at ni sir rio si jowa.

nakupo. ilang na ilang si jowa. andun lang siya sa gilid ni sir rio the whole time na ipinapakilala ko siya. at si sir rio din, 2.2 microseconds lang yata lumingon ke jowa. tapos pumunta si jowa sa likod ni sir rio at nakipagkuwentuhan na lang kay sir vim na nakaupo din doon.

noon ako nagpa-games. game lang pala. isa lang e.

pinoy henyo

heto ang mga salitang pinahulaan

alikabok
imburnal
tigang
patilya
test tube

si sir rio ang tagabunot. yung mga hindi nanalo sa raffle ang siyang mga maaaring mabunot.

ang nakahula ay dalawa lang. si sir marne, na binigyan ko ng pink kikay kit at si harry, na binigyan ko ng colored pencils na harry potter. si noel, lean at si sir jun balde,olats!

kinantahan ako ng birthday song ng mga tao pagkatapos non. nag-uwian na ang mga pambansang lolo. then nagpunta na ako sa loob. sa may performance area uli. andon kasi si jowa. nakikinig sa tumutugtog na banda.

pagtabi ko sa kanya sabi niya, siningil ako ng P100. sabi ko sa kanya, oo me bayad talaga dito. kasi may bandang tumutugtog. buti na lang at ang tinutugtog ng banda ay mga kanta na alam ni jowa. isang kanta e iyong kay kenny rankin. so hindi na rin siya masyadong nalugi.

tumingin kami sa oras. 11:45. 15 minutes bago ang aking kaarawan.

sabi ko kay jowa, isasama namin pauwi sina rye at ka pilo. wala na kasi silang masasakyan pauwi ng batangas. yes, doon pa sila nanggaling. nangagaling actually. yung buong panahon na naglilira sila ay lumuluwas talaga sila mula sa kaharian ng mga balisong, ang batangas.

kaya tinawagan ko si aileen na nasa bahay namin at pinalipat siya at si ej sa kuwarto ko. sama-sama kaming matutulog sa kuwarto ko. sina ka pilo at rye sa kuwarto naman ni aileen.

tapos nakinig kami ni jowa ng mga kanta habang pinalilipas ang 15 minutes.nakasandal ako sa tabain niyang dibdib.

pagtuntong ng 12:00, binati niya ako at hinalikan. ismak lang naman.

masaya akong kasama ko siya sa unang minuto ng aking ika-29 taon sa mundo.

Saturday, December 6, 2008

dream wedding

napanaginipan ko noon ang isang kaibigan. ikinakasal siya.

sa akin.

noon na noon pa iyon pero hanggang ngayon, natutuwa ako sa eksenang napanood ko sa panaginip.

tuwing nagkakaroon ako ng dejavu, na madalas-dalas, napapangiti ako. kasi alam ko, may pag-asang magkaroon din ako ng dejavu sa araw ng aking kasal.