Saturday, October 31, 2015

Poli-politika

ni Beverly Siy para sa kolum na Kapikulpi ng lingguhang pahayagan ng Imus, ang Perlas ng Silangan Balita

Ilan sa mga natutuhan ko’t naiisip sa politika nitong mga nakaraang araw, linggo, buwan:

Bawat kandidato, may tagapondo. Sino ang tagapondo? Ang mayayaman, ang mga negosyante. So ang halalan, hindi naman talaga halalan kundi sugal. Ang mayayaman at mga negosyante ang tumataya. Ang nakataya, kinabukasan ng bayan. Ang halalan pala ay isang uri lang ng libangan.

Importante sa mga politiko ang bilang ng botante sa isang lugar. Kapag konti ang botante sa isang lugar, dedma na lang si politiko diyan. Hindi na iyan bahagi ng Pilipinas na kailangan niyang pagsilbihan.

Nanggagago lang si Duterte at ang mga kasama niya sa partido. Kunwari, hindi siya tatakbo sa pagkapangulo. Nag-file pa nga siya ng certificate of candidacy (COC) para sa pagka-mayor. Akala tuloy ng marami, hindi na nga siya tatakbo bilang pangulo. Iyon pala, may rule sa halalan/eleksiyon na puwedeng palitan ng partido ang tao na patatakbuhin nila bilang pangulo kung sakaling may mangyari sa tao na orihinal nilang pinag-file ng COC sa pagkapangulo. Hanggang Disyembre pa puwedeng magpalit ang bawat partido ng taong patatakbuhin sa pagkapangulo. Grabe, ginagawa lang tayong tanga ng mga ito.

Para mapabilis ang pagpapatayo mo ng negosyo, gawin mong partner sa negosyo ang mga taong kukunan mo ng kung ano-anong permit. Iyan ang dahilan kung bakit pagbaba sa puwesto, kayraming mayor, vice mayor, at iba pa, ang biglang nagiging matagumpay na negosyante ng sari-saring business.
Kapag nanalo si Mar Roxas bilang pangulo, magiging first lady si Korina Sanchez. Kaya ba ito ng sikmura ko? Parang hindi. Lord, help us.

Importante para kay Pangulong Noynoy na ang papalit sa kanya ay kakampi niya. Dahil kung hindi, siya na ang magiging GMA the second. Kakasuhan siya’t ihahabla ng kung sino man ang mauupo.

35 pa lang ako, pero sawang-sawa na ako sa mga politiko natin. Pare-pareho lang sila. Walang bago sa kanilang mga sinasabi, ginagawa, ipinapangako. Hindi nasosolusyunan ang mga dati nang problema dahil pare-pareho ang paglutas nila rito. Palagay ko, kulang sa pagkamalikhain ang mga taong ito at ang mga think tank nila. Sa panahon ngayon, ang kailangan natin ay mga taong bukas sa bagong ideya, may tapang na harapin ang mga bagay-bagay nang may bagong perspektiba.

May tsismis na si Chiz Escudero ay maka-Binay. Kaya lang naman ito kumampi kay Grace Poe ay para pabanguhin ang sariling pangalan. Pero naniniwala itong ang mananalo talaga ay si Binay sa pagkapangulo at siya naman sa pagka-vice. So mababalik daw ang tandem nila. Ito ang tunay na horror story. Lord, help us.

Kaya ganito ang sitwasyon natin bilang mga Pilipino ay dahil pinababayaan natin na mangyari ito sa atin. In short, wala tayong ibang puwedeng sisihin kundi ang mga sarili natin. Kung gusto mong mabago ang sitwasyon mo, gagawa at gagawa ka ng paraan, hindi ba?

May mga lugar sa Pilipinas na hindi kailanman nabibisita ng pangulo. Isang kaibigan namin ang taga-Patnanungan, isa sa mga isla ng Polillo sa lalawigan ng Quezon, ang nagkuwento na ang tanging pangulo na nakarating sa kanila ay si Gloria Macapagal Arroyo. Pero hindi pa ito pangulo nang pumunta ito doon. Nangangampanya pa lang ito at namigay pa raw ng papel. Dagsa ang tao, akala’y pera ang ipinamimigay sa lahat, haha. Kung ang lugar na ito, na malapit-lapit pa nga sa sentro, ay bihirang-bihira nang mabisita ng pangulo, paano pa kaya ang iba?

Kapag politiko ka o public servant, secondary lang ang iyong kabaitan. Ang pinakaimportante ay handa kang baguhin ang pangit na sitwasyon ng iyong nasasakupan. Iyan ang mas makabuluhan. Sa ngayon, hindi kailangan ng bayan na ito ang kabaitan.

Ikaw, kumusta? Ano ang mga naiisip mo tungkol sa paparating na eleksiyon?
Para sa tanong, mungkahi o reaksiyon, mag-email sa beverlysiy@gmail.com.



Bumabagyo kahit Marso (Isang dalit tungkol sa Climate Change)

ni Beverly Siy

Bumabagyo kahit Marso.
Tagtuyot naman pag Hulyo.
Nabaliktad na ang mundo
Ng magsasakang si Pedro.

Friday, October 30, 2015

Todo Man ang Pagsasaka (Isang Dalit tungkol sa Climate Change)

ni Beverly Siy

Todo man ang pagsasaka
Kung ganyan pa rin ang klima,
Ang iluluwa ng ipa:
Bigas na malapulbura.

Tuesday, October 27, 2015

Bayan o Sarili? (Sanaysay ni Bebang Siy)



Kaninang umaga, 8:00 am, nagpasya akong uminom ng gatas, kahit na alam kong dapat ay umaalis na ako ng bahay papunta sa Greenmeadows (sa Greenmeadows ako nagtu-tutor ng Filipino). Isang oras ang palugit ko sa biyahe. Seven minutes na lakad hanggang sakayan sa K-J Street, 13 minutes pa-15th Avenue, 20 minutes pa-Greenmeadows via E. Rodriguez Sr. Avenue, at 20 minutes na lakad mula sa kanto ng Greenmeadows Jollibee hanggang sa bahay na pupuntahan ko.

Dahil mainit ang tubig na ipinanggatas ko, hinintay ko pa itong lumamig nang konti. 8:10 am na ako nakaalis ng bahay. Lakad-takbo na naman ang peg ko sa kahabaan ng kalsada namin, ang K-8th Street. Pero malayo pa lang, pansin ko nang trapik papuntang Aurora Boulevard. Shet, kako, male-late na akong tunay. Ang ginawa ko, naglakad ako nang ilang kanto, naisip kong baka mas mabilis pa kung lalakarin ko na lang ito.

Pero bigla akong nakakita ng tricycle. Alam nito ang pasikot-sikot para makarating ako sa Aurora Boulevard. cor. 15th Avenue.

Manong, magkano? tanong ko.

Bente lang, sagot niya.

‘Wag n’yo pong idaan sa trapik ha? sabi ko.

Oo, akong bahala, sagot niya. At pinaarangkada na nga niya ang tricycle.

Mga eight minutes lang, nasa Aurora Boulevard na kami. Sabi niya, ayun po ang 15th Avenue. Itinuro niya ang isang kanto mula sa kinaroroonan namin. Baba agad ako ng tricycle, bayad at tawid. Harvard Street pala iyong pinagbabaan sa akin. Paglingon ko sa direksiyon na pa- 15th Avenue ay napansin ko ang couple sa unahan ko. Naghihilahan, para silang nagta-tug of war. Mapapangiti pa sana ako, kasi ang unang pumasok sa isip ko ay naghaharutan lang ang dalawang ito.

Aba, hindi pala!

Hawak ng lalaki ang pulsuhan ng babae, nagpupumiglas ang babae. Kinakatkat niya ang kamay ng lalaki. Ang ginawa ng lalaki, sinampal niya ang babae gamit ang libre niyang kamay. Pak.

Gimbal ako. Pota. Anong nangyayari? Binilisan ko ang lakad ko palapit sa dalawa. Linga-linga ako, saan ba may pulis? Aba parang taxi, kung kailan mo kailangan ay saka sila wala.

Iyong babae, nagtakip ng mukha gamit ang libre niyang kamay. Gumagawa siya ng sampal shield. Niyugyog ng lalaki ang pulsuhan ng babae. Halatang galit ang boses ng lalaki, hindi ko lang maintindihan ang sinasabi nito. Putcha, dapat may umawat dito. Pulis, pulis. Linga-linga uli ako. Wala talaga. Binilisan ko pa ang lakad ko papunta sa nagsasampalan.

E, binilisan din ng dalawa ang lakad nila! Kaya by the time na nasa kanto na kami ng 15th Avenue at Aurora, nakaisang sampal pa ang lalaki. Ang gulo na ng buhok ng babae. Bawat taong madaanan nila, nililingon sila, pero walang ginagawa. As in tingin lang talaga ang ginagawa ng mga ito. Ako naman, binibilisan ko pa rin ang lakad ko, pati paglinga-linga ko. WALANG PULIS, OH MY GOD. Pero iniisip ko rin kung makakasakay ba ako ng dyip pa-Greenmeadows sa area na iyon. Punuan na kasi ang dyip pagdating sa kantong ito. Kaya, nanghihina ako habang bumibilis ang paa ko dahil alam kong mas maliit ang tsansa kong makaabot nang tamang oras sa Greenmeadows.

Tumawid ang dalawa sa kabilang panig ng 15th Avenue. May hardware store doon, at sari-sari store. Nanampal na naman iyong lalaki. Shet. Shet. Pota. Isang tumpok ng lalaki ang dinaanan ng couple sa may tapat ng Angel's Burger. Ang ginawa ng mga ito, sumunod lang ng tingin. Huwaw, useful creatures. Tumawid na rin ako. Puro bus kasi sa may bandang bakery ng 15th Avenue. Nakailang sampal na ang lalaki, tangina, nagpa-panic na ako. Dumaan kami sa condo kung saan nag-oopis ang FILCOLS. Naiisip kong kumaliwa doon at baka makahingi ako ng tulong sa guard ng condo doon, saka kina Kuya Ricol at Ran. Kaso baka naman biglang mawala iyong dalawang sinusundan ko.

Noong malapit na ako sa dalawang nakatalikod, bigla silang lumiko sa nakabukas na pinto ng isang junk shop. Liko rin ako. Pagbaling ko, nakita kong nakahandusay ang babae, sapo niya ang tiyan niya. Naka-duster siyang dark brown, gulo-gulo ang buhok, at stressed na stressed ang itsura: kunot ang noo, tinatakasan ng kulay ang mga mata. Sa bandang ulunan niya ay may isang matabang lalaki na may edad na. Nasa singkuwenta anyos siguro. Kalbo at malaki ang tiyan sa kanyang pagkakaupo. May kausap siya sa cellphone. Nasa kaliwa ko si Mr. Sampalista. Hindi pala siya katangkaran, halos ka-height ko lang, at mukhang early 20's. May hitsura.

Sabi ko kay Mr. Sampalista, hoy, tumigil ka na. Kanina ka pa, a! Bawal yang ginagawa mo.

Sabi ni Mr. Sampalista, sino ka ba? Anong pakialam mo?

Nguyngoy lang ang babae. Nakaupo pa rin sa sahig.

Sagot ko, bawal 'yang ginagawa mo. Ibig sabihin, labag sa batas! Pipiktyuran kita!

Binuksan ko ang bag ko at hinanap ang camera sa loob nito.

Sabi ng lalaki, ito kasi, e, sabay turo sa babae, sinusundan ako!

Shet. Natigilan ako. Baka magnanakaw iyong babae. Baka dinudukutan niya ang lalaki o hinahablutan ng cellphone.

Sabi ko na lang, e di... maghanap kayo ng presinto. Doon kayo mag-usap.

Nakita ko na ang camera sa aking bag, nakalabas pala ang baterya nito, ampoga. So in-assemble ko pa sa harap ng dalawa ang camera para mai-on ko ang tangi kong armas.

Biglang bumangon ang babae, ate, ‘wag po, ‘wag n’yo po siyang piktyuran. Kasalanan ko po kung ba’t niya ako sinasaktan. ‘Wag po, maawa po kayo.

Hindi umimik ang lalaki. Humihingal siya, siguro'y sa sobrang inis. Mapula ang eyebags niya, halatang inis at pagod na. Nakatingin lang sa amin ang matabang matandang lalaki.

Sabi ko, Manong, tumawag nga po kayo ng pulis.

Tumango si Manong. Hindi tinatanggal ang cellphone sa tenga niya.

Nag-hysterical ang babae. Ate, Kuya, ‘wag po! ‘Wag po. Ako po ang kawawa pag ginawa n’yo ‘yan. Iiwan po n’ya ako!

Huwat? Ano ‘to, sa isip-isip ko. Iiwan? Tagasaan ba sila? Wala ba siyang pamasahe pauwi?

Nanatiling walang imik si Mr. Sampalista. Ta’s lumabas ito ng junk shop. Tumingin pa muna sa akin at sa camera, bago naglakad palayo.

Lumabas din ako. Sumunod ang babae, hawak niya ang laylayan ng bestida niya. Umiiyak pa rin siya. Ate, ‘wag, ate. Uhuhu.

Lumabas din ang matandang lalaki, na palagay ko ay may-ari ng junkshop. Tatlo kami, sinundan namin ng tingin si Mr. Sampalista.

Anong oras na, sa isip-isip ko. Putcha, late na ako. Pero parang weird na basta ko na lang iiwan ang babae doon.

Asawa mo 'yon? tanong ni Sir MJO (mukhang junkshop owner).

Hindi po. Hindi kami kasal, live in po. Pero baka kasi iwan niya ako. Magsusumbong na ‘yon sa pamilya niya.

Anong isusumbong niya? tanong ko. Umaarangkada na naman ang numero unong tsismosa sa buong barangay ng Kamias: ako! Hahaha!

Kasi po kanina, gusto ko sanang paliguan niya ang anak ko, may anak po ako sa pagkadalaga. ‘Yon po ang isusumbong niya sa pamilya niya.

Ilang taon na, tanong ko. Mga 8:25 a.m. na ito. Wala, late na ako. Habang nakatayo ako sa harap ni ate, pasimple akong tumitingin sa mga dyip, punuan talaga. So... pagbigyan na lang ang tsismosa kong esophagus.

Apat po. Anak ko ‘yon sa pagkadalaga (yes, inulit talaga ni Ate ito). Sinabi niya sa pamilya niya na pamangkin ko lang ang anak ko. Kaya, di po nila alam na may anak ako. Kanina, inutusan kong paliguan niya ‘yong anak ko. Sabi niya, mamaya na. E, pinilit ko siya, kasi may bukol iyong anak ko, kailangan pong makaligo na iyon.

Tapos ganyan na? Sinasaktan ka na? tanong ni Sir MJO.

Kasi po ang kulit ko. Sinundan ko pa po siya sa labas.

E, kahit na. Hindi ka n’ya dapat sinasaktan. Para ‘yon lang, e, sabat ko.

Nagalit po talaga siya. Iiwan na po n’ya ako. Huhuuhu.

Ngawa na naman si Ate.

Hayaan mo na, mabuti nga, hiwalayan mo na ‘yan. Gusto mo ba ‘yan, sinasaktan ka? sabi ni Sir MJO.

Wow, ang galing magsalita ni Sir MJO. Salute.

Buntis po kasi ako. Huhuhu.

Sabi ng neurons ko: fuuuuuck. Buntis pa pala.

Sabi ng bibig ko, e di lalo mong dapat hiwalayan ‘yan! Kung di ka buntis, baka sobra pa ginawa niyan sa 'yo.

Hindi, kasalanan ko naman po kasi.

I was like... hello, girl, bagong milenyo na, dalawa na ang babaeng presidente ng Pilipinas. May tumatakbo pa ngayong 2016, si Grace Poe, malamang manalo rin. Bakit hinahayaan mo pa ring maapi-api ka ng taong dapat nga e mag-aalaga at magpoprotekta sa iyo? Iba na ang panahon para sa ating mga babae, 'te. Anube.

Pero hindi iyan ang lumabas sa bibig ko, siyempre. The ever tsismosa in me asked, anong pangalan mo?

April po.

Anong apelyido mo?

Karadal (or Caradal, kasi binigkas lang naman niya, hindi ini-spell.)

Ilang taon ka na?

23.

Tagasaan ka? si Sir MJO na ito.

Taga-Samar po. Samar din po siya.

Hindi, saan kayo nakatira ngayon?

Diyan po sa may 178 po. Imation. (or aymeyshon something. ‘yan ang bigkas niya, at yes, naalala ko ang number ng bahay dahil kamukha ito ng number ng bahay naming which is 128!)

Saan papunta iyong ka-live in mo? Baka balikan ka niya rito, tanong ko.

Sa katipunan po.

Aaa, may sakayan na rito papuntang Katipunan. Di na siguro babalik dito iyon, sabi ni Sir MJO.

8:35 na. Ano na, kumusta ang tutorial career ko?! Pero ano na ang gagawin ko sa babaeng ito? Parang walang pera, nakasuksok ang kamay niya sa bulsa ng kanyang bestida. Mukha pa rin siyang nagugulumihanan. Magbibigay ba ako ng pera? Sasamahan ko ba siyang mag-report sa pulis o barangay? Patingin-tingin siya sa direksiyon na pinuntahan ng lalaki. Hahabulin pa ba niya iyon? Anak naman ng...

April, punta ka na lang sa barangay. I-report mo ang ginawa niya para magka-record siya, sabi ko na lang. Kating-kati na akong umalis.

Po? Hindi po, ayoko po.

Hmmm... ano bang magandang sabihin? Nakatanga na lang kami ni Sir MJO sa kanya. Dead air.

Hiwalayan mo na 'yan, ha? sabi ko.

Oo, ‘ne, bata ka pa, makakahanap ka pa ng magmamahal sa iyo. Kahit pangit, basta hindi nananakit, sabi ni Sir MJO.

In fairness, rhyming. Nakakatuwa talaga si Sir, hindi ko akalaing napakahusay magsalita. Ang itsura kasi ay iyong parang tumanda na sa katatambay lang sa kanto, malaki tiyan, pakamot-kamot sa bahagi ng bewang na pinagbakatan ng brip.

Oo nga, tama. Uulitin niya sa iyo 'yan pag di mo siya hiniwalayan, sulsol ko na rin.

Paglingon ko sa kalsada, naka-spot ako ng taxi na paparating. Tiningnan ko si Sir MJO. Manong, kayo na po ang bahala. Late na po kasi ako.

Pinara ko ang taxi. Bumaba ako mula sa bangketa papunta sa main road. Mabilis kong binuksan ang pinto ng taxi pag hinto nito. Sakay. At hindi na ako lumingon. Umusad nang kaunti ang taxi. Wala na kami sa tapat ng junk shop.

Sabi ng orasan sa dashboard: 8:42. Ikukuwento ko ba ito sa estudyante ko? Baka isipin niya, nasisiraan na ako ng ulo. The other week, nakakita ako at nagpapulis ng lalaking nagdyadyakol. Iyon, ikinuwento ko sa kanya at takot na takot siya para sa akin. Pero etong insidenteng ito, pag ikinuwento ko sa kanya, baka isipin niyang produkto lamang ng creative juices ang lahat at gumagawa lang ako ng excuse sa pagiging late.

Hindi lang iyan ang naisip ko habang ninanamnam ko ang aircon sa taxi (bihira lang kasi akong mag-taxi). Inisip ko rin si April. Sigurado ako, mas matitinding sampal pa ang matitikman niya mam’ya pag nagpang-abot na sila ni Mr. Sampalista sa kanilang bahay. Lalong manggagalaiti iyon kay April dahil may tumulong dito at ipinahiya pa siya (si Mr. Sampalista) ngayong umaga. Sigurado ako, pag nalaman ng pamilya ng lalaki na may anak sa pagkadalaga si April, aapihin na rin ng mga ito si April. Sigurado rin ako, pagkapanganak niya ay bubuntisin siyang muli ni Mr. Sampalista. Sigurado rin ako, by the time na maisip ni April na worthless talaga ang lalaki at karapat-dapat lang talagang iwan ito, mga pito na ang anak nila.

Ang sakit sa dibdib.

Dapat na ba akong matuwa dahil kahit paano ay nahinto ang pananampal ni Mr. Sampalista kay April dahil sa pangingialam ko? Hanggang doon na lang ba talaga ang kaya kong gawin?

E, putcha, ang hirap naman kasing tumulong nang all the way kapag weekday. Kalahati ng puso mo, gustong magdulot ng pagbabago. Ang kalahati, bumibiyahe na papunta sa trabaho.

Sabi nga ni Heneral Luna, bayan o sarili?

Kapwa o datung?

Pumili ka.

Saturday, October 24, 2015

one hundred

kahapon, nagpunta ako sa filcols para daanan ang mga token mula sa DLSU Manila para sa katatapos lang na student media congress 2015. pagkababa ko ng dyip, naghanap ako ng mabibilhan ng merienda para sa staff ng filcols na sina kuya ricol at ran. malapit sa opisina nila along 15th avenue, cubao, may isang bakery. at nakakita ako ng tinapay na parang masarap kainin. kaso medyo mahal (P22.00 ang isa) at konti na lang ang pera ko sa bag. sa tapat ng bakery ay angel's burger. tawid ako. nakita ko ang buy 1 take 1 nilang cheeseburger: P34.00 lang. ayos. kaya umorder na ako sa babaeng nagluluto ng burger sa loob ng de-rehas na burger stand.

pagka-order ko ay inilabas ko ang one hundred pesos ko at mabilis na inabot sa babae. kako, habang nakasalang ang mga burger ko ay puwede na niya akong suklian, makatipid man lang nang ilang minuto nang araw na iyon. pero hindi niya agad ako sinuklian. nakatayo siya sa tapat ko. may inasikaso pa siyang kung ano doon. sa pagitan namin ay ang bag ko, ang rehas, at isang plastic drawer na maraming level (in that order). humawak din siya sa calculator sa may tabi ng rehas. tapos pinagsilbihan niya ang nag-iisang kustomer na naabutan ko, isang lalaking nagpalit pa ng damit habang nakaupo sa bench at naghihintay ng order. iniabot ni ate ang dalawang burger sa lalaki. tanong ng lalaki, may coleslaw ba ito? sabi ni ate, wala. umorder ng coleslaw ang lalaki. mula sa tapat ko, lumayo si ate para kumuha ng coleslaw sa ref. tapos ay bumalik siya malapit sa tapat ko para buksan ang mga plastic na lalagyan ng coleslaw. nainggit ako, tinanong ko si ate kung magkano ang coleslaw. P3.50, sabi niya. umorder na rin ako. the whole time ay palipat-lipat ako ng tingin kay ate, sa lalaki at sa mga burger ko na nakasalang sa prituhan.

si ate ay nasa 30s. natutuwa ako sa aura niya kasi parang hindi mainit sa lugar ng kanyang trabaho. mukha siyang fresh. mamula-mula ang kanyang pisngi, may bahid ng gold ang kanyang buhok. hindi siya tumitingin sa akin kahit kapag kinakausap niya ako. noong nakatingin ako sa kanya, ang iniisip ko, magkano kaya ang suweldo ni ate? siguradong maliit lang ito. ang tiyaga naman niya. iyong may ari ng angel's burger, mayaman na. merong angel's burger along anonas at minsan, nasusumpungan kong nakaparada malapit dito ang pagkalaki-laking truck ng angel's burger. wow. lumaki ang negosyong ito kahit napakamura ng buy 1 take 1 niyang mga burger. ilang oras kaya ang shift niya? siya lang ba mag-isa sa buong araw? bakit hindi pa niya ako sinusuklian?

mayamaya pa ay naluto na ang mga burger ko. siningil ako ni ate. nagulat ako. sabi ko, nagbayad na po ako. sabi niya, hindi pa. nag-panic ako. ako, hindi pa nagbabayad? e asan na ang one hundred ko? binuksan ko ang mga kamay ko, wala. binuksan ko ang zipper ng bulsa ng bag ko, wala. binuksan ko ang bag ko at sinilip ang dalawang bulsa sa loob kung saan ako naglalagay ng perang papel, wala. iniangat ko ang bag ko at tiningnan ang ilalim nito, wala. iniangat ko ang dalawang notebook na dala ko at tiningnan ang ilalim ng mga ito, wala. napatingin ako lalaking kustomer. sabi niya sa akin, hindi ko napansin, miss.

napatingin ako kay ate. nakatingin siya sa akin for the first time! wala ka pang inaabot sa akin, sabi niya.

putcha. rewind uli ang utak ko. nagbayad na ako! iyon ang unang-una kong ginawa pagkakita ko sa presyo ng buy 1 take 1 na cheeseburger at pagka-order ko. sinabi ko kay ate, nagbayad na ako. pero ipinilit pa rin niya na hindi.

kaya ang ginawa ko, sinubukan ko uling hanapin ang one hundred sa poder ko. siya naman, ibinalot na niya ang mga burger ko at inilusot sa rehas. sabi niya, kahit pumasok ka pa rito at hanapin iyan!

inilusot ko ang kamay ko sa rehas para isa-isahin ang pagbubukas sa lahat ng level ng plastic na drawer. lalagyan pala iyon ng mga tissue at plastic na sapin ng burger. wala ang one hundred. nagpalinga-linga ako. sabi ni ate, hawak-hawak mo iyon kanina pero di mo iyon inabot sa akin. talaga lang, ha, sa isip-isip ko. na bad trip na ako sa kanya. habang sinu survey ko ang lugar, baka may CCTV at na-record ang pagbabayad ko, lintik lang ang walang ganti, ang naisip ko ay ilang beses na kaya niyang ginawa iyon? iyong magpapanggap na hindi pa nagbabayad ang kustomer para mag-abot uli sa kanya ng pera?

wala, walang CCTV! sabi ni ate, kahit pumasok ka pa, halika, halika rito, tingnan mo. tapos may binuksan siyang drawer na gawa sa kahoy. iyon yata ang kaha. walang one hundred dito, sabi niya.

walang one hundred d'yan? aba, sa isip-isip ko, baka mapasubo ka sa akin, ate.

e, sori, mapagpatol ako, pumasok nga ako sa loob ng angel's burger. isa pa, last one hundred ko na iyon, e, kaya kailangan talagang mahanap ko ito.

pagpasok ko ay may dumating na mga babae, umoorder ng burger. isinalang ni ate ang mga order nila at habang hawak ang tong sa isang kamay, hinatak ng kabilang kamay niya ang malaking plastic na drum na ginawang basurahan. iniangat niya ang mga basura doon at isinaboy sa sahig. wala rito. o kahit tingnan mo sa basurahan! ano ba 'yan? hindi ko sisirain ang sarili ko sa isandaan. wala akong imik, nakatingin ako sa basurahan sa sahig. tapos tumapat ako sa bunganga ng basurahan. bigla niyang niyakap ang basurahan. kahit itaktak ko pa ito, wala! sabi niya. bigla niyang binuhat ang basurahan. sabi ko, 'wag na. hindi ko naman sinasabing kinuha mo. pero tuloy-tuloy niyang itinaob ang basurahan. sumabog ang basura sa gitna ng angel's burger. o, ayan, tingnan mong maigi, sabi niya, sabay dampot sa mga plastic-plastic na nagkalat. sabi ko, 'wag na. ako na, nagluluto ka. napatingin na ako sa dalawang babaeng nag-order kanina. pero astig si ate, panay pa rin ang halukay sa mga basura. sabi niya, okey lang iyan, madali naman ang maghugas ng kamay.

lumayo na ako sa basura. binalikan ko ang spot na kinatatayuan niya kanina, katapat ng plastic na drawer. sa baba nito ay may isang tabo ng tansan, wala pa rin ang one hundred. iniangat ko ito, wala. tiningnan ko ang gilid ng lutuan, wala. nagpatuloy sa pagluluto si ate. nasa likod namin ang mga basura. napatingin ako sa calculator. napatingin ako sa lalaking kustomer.

saan napunta ang one hundred ko?!

habang nagluluto si ate, sabi niya, tingnan mo pa sa ref. lumapit naman ako at binuksan ang pinto ng ref. puro karne. mukhang matitigas na karne. hindi ko na ito hinawakan o pinakialaman. sabi ni ate, para isandaan lang, sisirain ko ang trabaho ko? sige, tingin pa. tingnan mo na lahat.

huwaw. ang yabang pa. nakakapikon. lumapit ako sa drawer na gawa sa kahoy, malapit ito sa pader ng angel's burger. hindi ko napansin na lumapit siya doon kanina, pagkabayad ko ng one hundred ko. pero naalala kong ang claim niya ay walang one hundred doon. kaya binuksan ko ang kaha. magulo ang pera, sabog-sabog ang mga perang papel. sa ibabaw ng lahat, isang one hundred ang parang kare-recover lang sa pagkakatupi sa kanya. call it lukso ng datung, dama kong iyon ang pera ko. sabi ko, sabi mo, wala kang one hundred dito?

sabi niya, hindi ako nagpunta diyan kanina, ano? ayan, bag ko 'yan, sabay turo niya sa isang backpack na nakapatong sa mga plastic na upuan sa tabi ng kaha. kahit tingnan mo pa.

siyempre, hindi ko na binulatlat iyon dahil mapapansin ko naman nang bongga kung inilagay niya doon ang one hundred ko o ang pera ng iba. Sabi ko na lang kay Ate, nagbayad na po ako.

pero ang nasa isip ko, putik, ang laki ko na, naloloko pa ako ng mga ganitong tao?!

sabi niya, wala pa talaga. wala ka pang inaabot sa akin.

hindi ko na po mabibili ang burger kasi wala na akong pambayad. huling pera ko na iyon, sabi ko.

ano ba yan, singhal niya, tapos, ibinigay na niya ang mga order ng dalawang babae. tas, bumaling sa akin si ate, abono pa ako, ganon? inis na inis siya sa akin. pero paano siyang mag-aabono samantalang nasa kanya na nga ang one hundred ko?

pagkalabas ko, sabi ko na lang, hindi ko na po makukuha ang mga burger. huling pera ko na iyon, e. wala na po akong maiaabot sa inyo.

gimbal si ateng. hindi siguro ginagawa sa kanya ito ever. iyong mga taong nakukupitan niya, naglalabas na lang ng iba pang pera para bayaran ang inorder na mga produkto. ako, hindi. sa isip-isip ko, kung ibebenta mo pa ang mga burger na ito, wapakels na ako riyan. pero hindi buong P100 ang makukuha mo sa akin, langya kang babae ka, dahil kung hindi mo maibebenta ang mga burger, kung magpasya kang iuwi na lang ang mga ito, kailangan mo pa rin silang bayaran sa kaha! bawas na iyon sa P100.

ang ending? umalis na ako nang hindi naglalabas uli ng pera. iniwan ko ang mga burger sa kanya.

sa isip-isip ko, amputik, naisahan ako, one hundred pesos! ang exciting talaga ng bawat araw dito sa metropolis, hahaha!

pagsulyap ko kay ate, dinadampot na niya ang mga basura sa sahig. ayan, mala-confetti kasi ang ginawa mong pagsaboy, sa isip-isip ko. pero wala pa rin akong imik dito.

nang talikuran ko na ang buong eksena, tanging banta ng puso ko, o, iyo na ang one hundred, isusumbong na lang kita. Magkarekord ka lang, ok na ako.

kaya wag siyang magkakamaling ulitin itong istayl niya, putcha, dahil siguradong bibingo siya sa records ng sarili niyang opisina.



Friday, October 23, 2015

Pag Naglaho ang Lohika


ni Beverly W. Siy para sa kolum na Kapikulpi mula sa Perlas ng Silangan Balita ng Imus, Cavite

Ngayong may sanggol akong anak, na-realize ko kung bakit kadalasan ay walang sense ang mga nursery rhyme o mga kantang pambata. Halimbawa nito ay ang Sitsiritsit, Alibangbang at Penpen de Sarapen.

1. Sitsiritsit, alibangbang
Salaginto, salagubang
Ang babae sa lansangan
Kung gumiri, parang tandang...

2. Penpen de sarapen
De kutsilyo, de almasen
Haw haw de karabaw
De batuten...

O, di ba? Tingnan ang #1, parang walang logic. Ano ang ibig sabihin ng sitsiritsit? Bakit nag-enumerate ng mga insekto (alibangbang, salagubang) ang persona? Bakit ang ending ay tungkol sa babaeng nasa kalye at kakaiba kung umasta? Anong konek?

O, tingnan naman ang #2, ganon din, para ding walang logic! Pangalan ba ng tao ang Penpen? Apelyido ba niya ang de sarapen? Bakit siya may kutsilyo? Ano ang almasen, Espanyol ba iyan? Bakit naging tunog-Ingles ang kasunod na linya: haw haw de karabaw? At ano ang batuten? Puwede ba iyang ulamin tulad ng batotay?

Nakakaloka.

Ganito kasi iyan, napaka-impromptu kasi ng proseso ng paglikha sa mga ganitong akda. Pag karga mo ang baby at ngawa pa rin ito nang ngawa kahit anong gawin mong yugyog para ito ay makatulog, mapipilitan kang kumanta o humabi ng musika gamit ang iyong bibig. Dahil biglaan, napipilitan, wala ka sa mood, kung ano-anong salita lang ang lalabas sa iyo at kung ano-anong tono ang gagamitin mo. Basta, meron. At basta, mapatahan ang hawak mong sanggol.

Heto ang isa sa mga ginagamit kong pampatulog sa apat na buwan kong anak na si Karagatan, kinanta ko ito gamit ang isang twisted version ng kantang pambata na Ako ay May Lobo.

Ako ay may baby,
Karagatan ang pangalan,
Smile-smile sa akin,
Umutot na pala!
Heto siya, patulog na,
Kawawa ang mama,
Pot-pot-pot-pot-pot. (Repeat until fade.)

Medyo may logic pa nga itong sa akin kasi may gabay pa ako, ang kantang pambata na Ako ay May Lobo. Ngayon, imadyinin natin iyong mga lumikha ng Sitsiritsit at Penpen. Malamang ay walang padron o model sa isip ang mga gumawa niyan habang pinipilipit nila ang sariling mga utak para tuloy-tuloy ang kanilang mga salita, na eventually ay naging kanta.

Masayang proseso ang paggawa ng walang sense na mga nursery rhyme at kanta. Masaya kasi walang masyadong rules, okey lang kung may logic o wala, wala ring nagdidikta ng sukat, kahit gaano kahaba o kaikli ang akdang gusto mong bigkasin, puwede, mas nakakaantok, mas maganda dahil ang goal mo naman ay ang makapagpatulog ng sanggol, at higit sa lahat, walang pakialam ang nag-iisa mong audience sa iba pang bagay. Ang tanging gusto niya ay marinig ang boses mo at ang iyugyog mo siya ayon sa paraan ng iyong pagbigkas sa bawat linya.
Pero hindi kailangang magkaroon ka ng baby para makagawa nito, ha?

Kahit sino, kahit saan, kahit kailan ay puwedeng-puwedeng gumawa o mag-compose ng ganitong akda. Walang requirement!

Kaya ang bibig ay ihanda
Sa dugtungan ng salita.

Pag naglaho ang lohika,
Lalaya na ang haraya.

Kung may tanong, komento o mungkahi, mag-email lamang sa beverlysiy@gmail.com.

Thursday, October 15, 2015

Venue Hunting para sa Binyag ni Dagat

Venue hunting na naman ako para sa binyag ni Dagat at sa birthday ko sa December. Dahil mas star ang binyag ni Dagat sa event na ito, kailangan ay lutang ang theme na tubig o karagatan sa magiging salusalo namin. Kaya naisip kong sa Manila ito ulit gawin, para malapit sa dagat.

Siyempre pa, gusto ko sanang mabinyagan siya sa simbahan na kinalakhan ko, ang Ermita Catholic Church. Diyan ako kinumpilan noong 1995. (Kaya nga lang ay naiwala ng simbahan ang papeles ko. Haha, kaya kinailangan kong magpakumpil uli noong 2013 -sa Quiapo- para maikasal kami ni Poy.)
Anyway, maraming-marami akong tiningnan na kainan at venue sa kahabaan ng Manila Bay.

1. Binalikan ko siyempre ang Manila Yacht Club, at nagkita uli kami ni Sir Tony Antupina. 30k ang minimum consummable amount ng room nila (Diamond Room) na gusto ko sanang pagdausan ng reception ng binyag. Good for 50-60 pax na iyong room. Not bad, di ba? Kaso mo, medyo namamahalan ako sa pagkain (example: pancit canton/bihon P240, yang chow- P240, MYC Clubhouse sandwich -P285, chopsuey with crispy noodles-P225, isang baso ng iced tea-P60). Medyo konti ang mabibili kong pagkain sa presyo nila. Ang gusto ko lang dito, very reliable ang serbisyo. Once na nagpa-reserve ka, tuloy-tuloy na, wala nang cancel-cancel. At napakaganda rin ng service, talagang maalaga si Sir Tony. Hindi rin ito crowded dahil kakaunti lang ang nakakaalam na bukas ito sa publiko. Maganda rin ang Diamond Room, disente at sobrang presentable. At siyempre, pang-display photo ang view ng paglubog ng araw dito.

2. Dumaan ako sa Max’s Malate. Nakupo, anliit ng function rooms kahit dalawa na ito na magkadikit at pag-iisahin para sa aming event. Ang mahal din ng pagkain, nasa P596.00 per head. Pero in fairness, andami namang pagkain sa package na iyon. Plated nga lang, hindi buffet. Saka hindi rin kita ang paglubog ng araw at ang dagat mula sa function room kaya definitely, hindi ko ito ikokonsidera.

3. May nadaanan akong row ng mga kainan/inuman, iyong una kong nilapitan ay MJ’s Bar and Cafe. Sarado ito dahil sa isang private function. Isang lalaking tagaroon ang nag-entertain sa akin. Si Carlo Aguillon. Siya pala ang marketing associate ng MJ’s Bar and Cafe. Sa labas ng kainan, may pinalaking menu, as in lifesize kaya nakita ko na abot-kaya ang pagkain nila, nasa P100-200 per dish. Ang kaso, parang hindi masyadong pormal ang set up ng kanilang restawran. Iyong kulay ng mga upuan at dingding sa loob: red, yellow green, black. Hindi papasa ito sa magulang ni Poy. Sabi ni Carlo, meron pa raw silang venue sa taas at tiyak daw na magugustuhan namin iyon. Pero hindi ako ipinasyal ni Carlo sa itaas. Dinala niya ako sa ....

4. Aquasphere! Ang tagal ko nang hinahanap ito. Sa internet ko lang din ito nakita, at balita ko, 8k ang bayad para sa 12 hrs na upa. Tapos ang gaganda ng photos sa internet. Pero nang makita ko na ito sa personal, nadismaya ako. Nakaangat sa lupa ang kalahati ng taas ng swimming pool. Hahaha, saka hindi masyadong malaki ang pool, parang kasinglapad at kasinghaba lang ito ng isang lipat-bahay truck. Medyo nadiliman din ako sa lugar, kahit pa binuksan ni Carlo ang mga ilaw. Meron ding isang kuwartong airconditioned. Kasama na raw iyon sa uupahan namin kung sakali. Malaki ito, at walang laman sa gitna. Sa gilid, nakasandal ang apat na lazy boy, isang mahabang sofa naman sa isa pang gilid. Itim ang kulay ng mga upuan na ito. Hmmm.. bakit black!?! Malapit sa pinto, napansin ko ang isang transparent na salamin, para itong bintana pero hanggang sahig ang salamin. Para saan iyon? May magsasayaw ba sa labas at manonood naman ang nasa loob? Kapag naliligo ka sa pool, puwedeng-puwede kang pagmasdan ng mga tao sa loob ng kuwarto sa pamamagitan ng salamin. Naisip ko tuloy na baka ginagamit ang venue na iyon sa mga stag party. Hahaha, nagbago tuloy ang tingin ko sa kulay ng swimming pool, iw. Sabi ni Carlo, 14k ang upa doon, 12 hrs na. Kung ang MJ’s Bar and Cafe ang kukunin ko for catering sa halagang P260/head (ito ang pinakamura, pagkain lang ito, iba pa ang 14k na bayad para sa Aquasphere, yes hindi na pala 8k ang upa rito), maipapa-book na nila ako ngayon. Dahil sobrang in demand ang lugar na ito lalo na pag Disyembre, isang linggo lang ang palugit na nahingi ko sa kanya para makapagkumpirma. Pero, waley na, hindi na ako mesmerized sa lugar. In fact, natakot aketch, lalo't para sa mga magsi-swimming.

5. Pagkatapos naming mag-usap ni Carlo, naglakad pa ako nang kaunti. Tapos may nasalubong akong baptismal reception tarpaulin, nakabitin, pag-angat ko pa ng tingin, isang waiter ang nagdidilig ng halaman sa second floor ng isang redesigned container van. Sabi niya, pasok po, Mam. Akyat po. At sumunod naman ako. So... nakarating ako sa Martinilly’s Coffee Shop. Ang ganda ng loob. Cute, actually. Pang-mommy and baby daughter ang dating at ang kulay ng interiors. Maaliwalas, maliwanag ang ilaw. Ang problema, maliit ang mismong coffee shop. At ang pagkain, pangmeryenda type lang. Sabi ng chef at ng isa pang waiter, kasya raw ang 40 doon, binilang ko ang mga upuan, less than 40. Hay. Sayang. Pero ang maganda roon, salamin ang harapan kaya kitang-kita ang sunset. Parang mas maganda doon na mag-date at hindi mag-reception ng binyag. It turned out, caterer din pala sila. Meals start at around P300+. Meron daw silang inirerekomendang venue: La Terraza. May itinuro sila sa lugar kung saan ako nagmula (sa bandang Aquasphere). Baka marami pang events venue sa area na iyon, sayang hindi ko na-explore. Anyway, natuwa ako rito kasi sobrang matulungin ang staff at sila ang pinakaunang nag-text sa akin tungkol sa query ko. Professional indeed. More power to this shop.

6. Naglakad pa ako hanggang makarating ako sa Padre Faura. OMG. Mahabang lakad talaga, I know. Pero magaan ang pakiramdam ko that night, kaya kering-keri lang ang pinapaltos kong mga pa. Dumaan ako sa Miramar Hotel, ikinonsider ko rin ito noon, para sa kasal namin. Art deco kasi ang interiors pati siyempre ang labas. Ang problema ko rito, maliit din ang restaurant nila. Nang magtanong ako sa loob, sinabihan ako ng waitress na maghintay ng manager sa lobby. I waited for about 15 minutes. Nang dumating ang manager, may dala itong ready made na quotation, nasa P700+ per head. Kumusta naman, vaket ang mahal, sa isip-isip ko. Nag-thank you na lang ako at ni-note ko ang bagong gising look ni manager, saka ako mabining lumisan.

7. Napadpad din ako sa Luneta Hotel. Na sobrang ganda, exterior, interior, perfect. Kumikinang. Samantalang noong bata ako, yero-yero lang ang nakikita ko dahil binakuran ito at hindi ka masyadong makakalapit sa mismong building kasi any moment, baka may bumagsak. Condemned ang peg. Pero ngayon, huwaaa, ang ganda talaga. ang kintab din ng sahig. Meron silang restaurant na malapit sa hotel lobby. Ang problema, kalat-kalat ang mesa't upuan ng restaurant. So hindi magkakakitaan ang mga bisita. Meron daw function hall sa itaas pero sarado raw, not for viewing as of the moment, sabi ng napaka-cute at napakatangkad na lalaki sa front desk. Binigyan lang niya ako ng calling card. Saka siya sumenyas sa akin ng call me, call me. Charing lang.

8. Naglakad pa ako at tumawid sa UN, tapos sa Roxas Boulevard, nakarating ako sa Harbour View. Nakita ko na ito noon, noong naghahanap ako ng venue para sa surprise bday para kay poy, pero pumasok pa rin ako sa loob nito. surprise! Walang bago, hahaha. Naka jut out pa rin sa dagat ang kahabaan ng restaurant. Napakaraming tao sa loob nito, grupo-grupo. Christmasy ang feel dahil sa christmas lights sa kisame. I like it. ang problema ko rito, mahal. Around 7k per table, good for 10pax. Sad. Pagdating ko sa parking lot, napansin ko na may breakwater sa gilid at marami ang nagde-date. Good thing, hindi siya madilim at may mga nagbabantay sa entrada ng compound ng Harbour View kaya siguro safe na rin para sa mga lab burds dito. Parang masarap tumambay dito minsan. May nakasalubong akong isang group ng FEU students (hello, uniform), tatambay ang mga ‘to panigurado. Yay, nakakainggit. Alala ko tuloy tambay days namin nina Eris nung high school. High school talaga. Noong college kasi, inuman na ang tambayan namin, putcha, hahaha. Noong high school, mga ganito ang tambayan namin, iyong mga lugar na nakakapagkuwentuhan kayo, asaran. Parang tubig sa breakwater. Ambabaw lang namin noon, hahaha.

9. Paglabas ko ng compound ng Harbour view, kumaliwa ako at tumambad sa akin ang Manila Ocean Park at Hotel H20. I decided to check the Liquid Buffet eklavu na nakita ko sa internet. P250/head lang daw dito. Kaso mo, walang katao-tao kaya wala akong mapagtanungan. Nakarating ako hanggang sa pinakaloob, para palang mall sa loob itong Manila Ocean Park. Kahit pala hindi ka papasok ng MOP, puwede kang kumain sa mga resto dito. May Wendy’s, North Park at isang coffee shop, New York something yata ang pangalan. Sa ground floor, may nakita akong tarpaulin, ang sabi: weekend lunch buffet P350/head, kakahanap ko ng restaurant na malapit, napa-elevator ako at napadpad sa.... Makan-makan Village. May mangilan-ngilang customer. Agad akong in-assist ng isang matangkad at payat na babaeng naka-brace. Nagtanong ako kung sa kanila ang resto na nagpapa-Weekend Lunch Buffet. Oo raw, pero hindi raw doon ang venue ng buffet. Nasa baba raw ito. at wala na raw ang taong naka-assign doon. Binigyan na lang niya ako ng parang flyer (parang lang kasi malaki ito at matigas. Kumbaga first class na flyer) at ang mga package nila ay nag-uumpisa sa ... P888/head. Huwaaaat? Binasa ko uli. Pang-debut at wedding pala ang package na iyon. Nakalma naman ako, kasi hindi naman magde-debut si dagat at matagal-tagal pa ang kasal kung sakaling ikakasal nga siya. ibinigay ko ang contact details ko sa magiliw na receptionist. Ibibigay daw niya iyon sa tamang tao. Sayang yung P350/head na buffet. Sana puwede kami doon, 70-80 pax at sana rin, kita ang dagat sa venue. Let’s wait and see.

10. Nakakita ako ng ibang exit sa loob ng Makan-makan. Doon na ako nag-exit. At nakarating ako sa White moon bar. Ang dilim-dilim na bar, aba marami din ang customer that night, ha? Hindi ko nabilang pero marami-raming gumagalaw sa dilim, hahaha. Walang bubong sa lugar na iyon, mga sofa ang upuan. At ang entertainment ay walang iba kundi... ang napakagandang view ng CCP, Manila Yacht Club at MOA area. Haaay, i fell in love. Puwede ba sa binyag ito? pagagabihin namin ang mga bisita? Hahaha, baka mabatukan ako ni Mama Nerie nito. Anyway, nag-inquire pa rin ako. Around P340 ang boodle fight meal. Around P250 ang isang simpleng meal. Puwede. Cheap, cheap, cheap, cheap. Hindi naman super cheap pero kung ikukumpara sa mga package na iniaalok sa akin, cheap na nga ito, di ba? Tas ang ganda pa ng view. Hindi na kailangang i-entertain ang mga bisita. Ang problema e ang panahon. Kako sa lalaking nag-entertain sa akin, paano po pag umulan? Iyon lang ang talo nyo rito, mam. Hindi na po kayo puwedeng mag-cancel kasi nabili na namin ang ingredients by that time. Doon po tayo sa hallway, pag umulan. Sasandal daw kami sa salamin ng makan-makan. Nge, hassle. Dadaan-daanan naman kami do’n. Hay. Sayang. Pero ibinigay ko pa rin ang aking contact number at email. Hiningi ko rin ang sa kanila. Sabi pa ng lalaki, marami na raw ang nagpakasal doon. Pinasara ang buong white moon. Bongga. Malaki ang place, pero palagay ko, hindi namin maookupa ang lahat ng iyon. So keri lang naman na nasa isang tabi lang kami ng White Moon kung sakali. After one day, i got a quotation from them, shet nasa P700 + per head. Hahaha. Pero puwede pa rin naman daw mag-ala carte, so no worries, actually.

11. Lumabas na ako sa pinakamalapit na exit mula sa White Moon, nag-elevator muli at nagtanong sa guard sa may entrance ng MOP (biglang nagka-guard, in fairness) kung nasaan ang Liquid buffet. Surprise! Nadaanan ko na pala iyong entrance noon kanina. Ang entry ay natatabingan ng mga railing. May pababang hagdan. Dahil wala ngang ibang tao doon, iniusog ko ang railing at bumaba ako. May nakita akong malaking aquarium sa sahig. Tapos, mga pool na weird ang mga hugis. meron ding parang fountain sa kanan. May mga lalaki na nagkukumpulan sa isang mababang aquarium. Lumapit sa akin ang isa, kalbo, sabi niya, ano po iyon? Sabi ko, hinahanap ko po ang liquid buffet. Sabi niya, ito po iyon, sabay turo sa mga upuan na lampas ng fountain. Paglingon ko, huwaaa, andaming upuan at mesa. Mahigit 100 siguro. Hindi aircon ang lugar, at iyong fountain ay bahagi pala ng pool ng hotel. doon daw nagsi swimming ang mga batang guest ng Hotel H20. Huwat? E, parang pinalaking kubeta lang iyon dahil sa design ng tiles hahaha tapos me fountain lang sa gitna. Paglapit ko sa Liquid, para akong pumasok sa isang kuweba. Sa presyo, okey. Pero sa ambience, bagsak ito, pang-bar ang aura, e. madilim at delikado pa ang pagbaba sa area na iyon, iyon ngang tinahak kong hagdan, basa-basa pa. Siguro sa araw, mas ok siya tingnan. pero di ko talaga type kasi parang masikip na ang lugar kapag nagkatao na roon. Sabi ng lalaki, lagi raw puno ang Liquid dahil sa buffet. Nakapila pa raw ang mga susunod na customer. Siyempre, ang mura, e. Sabi ni Kuyang helpful, kontakin ko na lang ang Liquid sa internet. Sabi ko, ok po, kasi nakita ko na ang FB page nito. bago ako umalis napansin kong ang laman pala ng mababang mga aquarium ay.... rays! Manta raw, eagle ray, rey langit, reymart santiago. basta, mga ray. bigla akong napaisip. Kakaibang experience nga naman kapag dito kami nagpabinyag, makakakita sila ng iba’t ibang ray. For free. Hmm... pero saglit lang iyong tingin nila at kita. Mas matagal iyong kain. So... bagsak ito sa akin.

As of today, ang Weekend Lunch Buffet ang aming napipisil. Dahil grabe mag-follow up si Aezell Asuncion, ang taong naka-assign dito. Joke lang yan. hehe ang totoo, dahil mura rito at madaling kausap si Aezell. Nagustuhan din ni Poy ang White Moon dahil nang i-Google niya ito, ang gaganda ng pictures ng sunset mula sa view rito. Sa Sunday,balik MOP ako para i-check ang venue at ang pagkain sa buffet. Baka kasi chaka pala ang lasa ng pagkain. Siyempre, importante pa rin ang pagkain kesa sa anupamang kaartehan, hehehe.

Hindi copyright, pero usapin pa rin ng karapatan ng manunulat

  Minsan, hindi talaga usapin ng copyright ang isang bagay. Ito ay recently kong naengkuwentro. Si Kyla ay na-meet ko sa isang writers works...